bro marianito

Tumulad kay Hesus na inuna ang kapakanan ng ibang tao kaysa pansariling interes (Mateo 14:13-21) — head

199 Views

“Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpapakain sa kanila,” sabi ni Hesus sa kaniyang mga Alagad.”(Mate0 14:16)

SA ating kasalukuyang panahon umiiral parin sa atin ang ugaling “mind your own business”. Ito yung tipong hindi mo dapat paki-alaman kung ano man ang ginagawa ng ibang tao.

Marahil ay ganito ang pananaw at ugali ng ilan sa atin, ang katwiran natin ay wala tayong paki-alam sa ibang tao hangga’t naman hindi tayo apektado ng kanilang kalagayan at wala tayong paki-alam kung wala din naman tayong mapakikinabangan o mapapala sa kanila.

May ilan din naman na ang pananaw nila ay bago sila tumulong sa ibang tao ay uunahin na muna nila ang kanilang sarili. Uunahin na muna nila ang kanilang pansariling interes bago ang kapakanan ng kanilang kapwa. Ang tawag dito ay makasarili, “self-centered o individualistic”.

Matuto tayo kay Hesus ayon sa mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 14:13-21), matutunghayan natin sa Pagbasa na matapos marinig ni Hesus ang pagkamatay ng kaniyang pinsan na si Juan Bautista. Siya’y nagtungo sa isang lugar na walang tao.

Nais sana ng ating Panginoon na mapag-isa para siya’y makapag-muni-muni o makapag-isip-isip dahil sa kaniyang labis na kalungkutan. Maaaring gusto muna ni Hesus na magpag-isa habang siyang nagdadalamhati sa pagkamatay ni Juan Bautista.

Subalit matutunghayan natin sa Ebanghelyo kung paaano pina-iral ni Hesus ang kaniyang awa para sa mga tao at isina-isangtabi ang kaniyang pang-personal na aktibidades para lamang unahin ang kapakanan ng mga taong naghahanap at lumapit sa kaniya. (Mateo 14:14)

Sapagkat pagdating niya sa dalampasigan kung saan nais sana niyang magapag-isa ay nakita naman niya ang nakaparaming tao. Nagalit ba ang Panginoon ng makita sila? Sinabi ba niya sa mga taong ito na: “puwede bang hayaan niyo muna akong mapag-isa?”.

Hindi. Mas nangibabaw sa ating Panginoon ang pagmamalasakit at pagmamahal sa mga taong ito. Mas inuna niya ang pangangailangan at kapakanan ng mga taong ito kaysa sa kaniyang pansariling interes.

OO nga’t siya’y nalulungkot dahil sa pagkamatay ni Juan, pero nakita ni Hesus na mas importante ang mga taong ito kaysa sa kaniyang pansariling pangangailangan. Maaaring sinasabi ni Hesus sa kaniyang sarili na puwede naman niyang gawin sa ibang araw ang kaniyang pagluluksa.

May pangangailangan din naman si Hesus para sa kaniyang personal na buhay. Subalit mas nakita niya ang kapakanan ng mga taong ito, nakita rin ni Hesus na mas mabigat ang pangangailangan nila kumpara sa kaniyang personal na pinagdadaanan.

Ganito rin ang nais ituro ni Hesus sa kaniyang mga Alagad matapos niyang sabihin na sila ang magbibigay sa mga taong ito ng kanilang makakain at hindi na nila kailangan pang magtungo sa mga kalapit na Nayon para maghanap ng pagkain. (Mateo 14:15-16)

Ngunit para sa mga Alagad ay parang napaka-imposibleng mapakain ang nakaparaming taong ito dahil wala naman silang ibang pagkukuhanan ng pagkain. Para bang nais nilang sabihin kay Hesus na “Panginoon wala na tayong magagawa para sa mga taong ito”. (Mateo 14:17)

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na huwag tayong maging makasarili na laging ang sarili lamang natin ang ating pinahahalagahan. Matutunan din sana natin ang tignan ang kalagayan ng mga tao sa paligid natin na maaaring hindi natin kasing-suwerte sa buhay.

Hindi na mahalaga kung kakaunti o kakarampot lamang ang tulong na maibibigay natin sa ating kapwa katulad ng limang tinapay at dalawang isda sa Ebanghelyo (Mateo 14:17) dahil kayang paramihin iyan ng Diyos sa pamamagitan ng tulong na magmumula sa ibang tao.

Ang mahalaga ay ipinakita natin ang ating pagmamalasakit at pagmamahal para sa mga taong nangangailangan, nagugutom o kaya naman ay naghihikahos. Maraming ganitong tao ngayong panahon ng Pandemiya, marami sa kanila ang nangangailangan ng tulong.

Lagi nating isasa-puso at isasa-isip na kahit papaano ay masuwerte parin tayo at hindi natin nararanasan ang kalagayan ng mga tao sa paligid natin na nawalan ng trabaho, wala ng makain at wala ng maipambili ng gamot dahil sa Pandemiyang ito.

Tularan nawa natin ang ginawa ng ating Panginoong Hesus na hindi niya inuna ang kaniyang pansariling interes. Sa halip ay mas pinahalagahan niya ang pangangailangan ng mga tao. Ibinahagi niya ang kaniyang biyaya para mapakinabagan ng mga tao.

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nawa’y matutunan natin ang pagiging “generous” at sikaping huwag maging masarili o ang laging lamang natin iniisip ay kung ano ang mabuti para sa atin. Matutunan natin ibahagi ang ating “blessings” gaya ng ginawa ni Hesus.

AMEN

Para sa inyong reaction, mensahe, prayer request, prayer intention at counselling. Mangyaring paki text lamang po ako sa 0992-672-15-18 at 0939-534-0540. Maraming Salamat po.