Calendar
Turismo sa Dinagat island palalakasin—PBBM
ISINAPUBLIKO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano ng kanyang administrasyon na palakasin ang turismo sa Dinagat island kasabay ng pagsasaayos ng mga imprastraktura na sinira ng bagyong Odette.
“Kaya’t hindi lamang ang pag-recover ng mga nasira, mga building na kagaya nito at ‘yung mga nakikita natin na nasira noong Typhoon Odette, kung hindi mayroon na tayong plano para sa tourism industry ng Dinagat,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo kasama ang Dinagat Island sa mga lugar na nais na pag-ugnay-ugnayin ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasaayos o pagtatayo ng mga paliparan at pantalan upang mas madali itong marating ng mga dayuhan.
“Dinagat, medyo isolated nang konti kaya’t kailangan natin gawan ng paraan para unang-una maganda ‘yung sa airport, ‘yun ang pinaka-madali,” sabi ng Pangulo.
“Pangalawa, ‘yung Ro-Ro, lahat ng nalagyan ng Ro-Ro nagamit nang husto ‘yan. Kaya’t malaking bagay, mas madali nang pumunta sa Surigao, hindi na po kayo masyadong nahihirapan,” saad pa nito.
Ito na ang ikalawang beses na bumisita ang Pangulo sa Dinagat island. Ang una ay noong Disyembre 2021 kung kailan siya nagdala ng tulong matapos manalasa ang bagyong Odette.