Calendar
Unang international flight lumapag sa Bohol-Panglao Airport mula ng magkapandemya
SA unang pagkakataon mula ng magsimula ang pandemya, may lumapag na international flight sa Bohol-Panglao Airport (BPA).
Ang Jeju Air flight 7C4407 ay lumapag sa BPA noong alas-10:30 ng umaga noong Hunyo 3.
Pinangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines-BPA, Department of Health, Bureau of Customs, Immigration, at Quarantine (CIQ) ang pagproseso sa may 167 pasahero na nanggaling sa Incheon, South Korea.
Unang lumapag ang Jeju Air sa BPA noong Nobyembre 21, 2019. Agad naman itong natigil dahil sa pandemya.
Bago ang paglapag ng Jeju Air, ang BPA ay nilalapagan ng Philippine Airlines (mula Davao at Manila), Philippines AirAsia (mula Maynila), at Cebu Pacific (mula Davao at Maynila).
Umaasa ang BPA na magpapatuloy ang pagdami ng mga flight dito.
Ang BPA ay isang international airport na nasa Panglao Island, Bohol. Nagbukas ito noong Nobyembre 2018 at pumalit sa Tagbilaran Airport. Ito ang unang eco-airport sa Pilipinas.