Calendar
Upgrade sa minimum wage ng public school teachers isinulong
ISINULONG ngayon ng isang neophyte Metro Manila solon ang isang panukalang batas na naglalayong mapataas o ma-upgrade ang “minimum wage” para sa lahat public school teachers kasabay ng pagdiriwang ng “World Teachers Day” sa darating na Oktubre 5.
Inihain ni Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang House Bill No. 4070 sa Kamara de Representantes upang I-adjust ang minimum salary grade level ng mga public school teachers mula Salary Grade (SG) 11 na nagkakahalaga ng P25,439 para gawing SG 19 na nagkakahalaga naman ng P49,835.
Ipinaliwanag ni Vargas na sa harap ng tumaas na presyo ng mga bilihin at cost of living ng mga public school teachers, marami pa rin sa kanila ang nagkukumahog para lamang tustusan ang mahigpit na pangangailangan ng kanilang pamilya sa harap ng COVID-19 pandemic.
“With the rising cost of living, many teachers still struggle with the financial limitations of their profession while maintaining the delivery of quality education to our students amid the pandemic,” ayon kay Vargas.
Sinabi pa ni Vargas na matagal na aniyang inilalaban at idinudulog ng mga public school teachers sa mga kongresista mula pa noong 18th Congress na magkaroon ng “salary increase”.
Kung saan, iginigiit ng mga public school teachers na hindi sapat ang itinatakda ng Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law of 2019 para tustusan ang kanilang mga pangangailangan.
Ayon kay Vargas, may mga panukalang batas din ang inihain noong nakaraang 18th Congress para sa salary increase ng mga guro subalit sa kasamaang palad ay hindi naman ito naging ganap na batas.