Valenzuela job fair tagumpay, 200 natanggap sa trabaho

Edd Reyes Sep 26, 2024
58 Views

UMABOT sa 200 aplikanteng lumahok sa lokal at international mega job fair ng Valenzuela ang natanggap sa trabaho noong Miyerkules sa event center ng SM City-Valenzuela.

Ang Mega Job Fair, ayon kay Mayor Wes Gatchalian, naisakatuparan sa inisyatiba ng Public Employment Service Office (PESO) sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE).

May kabuuang 29 lokal na kompanya mula sa iba’t-ibang industriya at limang kompanyang naka-base sa ibayong dagat ang lumahok sa job fair.

Naglagay din ng “one-stop-shop” para sa mga aplikante ang SSS, PSA, Philhealth, TESDA, Project AYOS at PAGIBIG at nakapagbigay ng serbisyo sa may 189 na aplikante na kailangan para sa kanilang aplikasyon.

Kasabay ng naturang job fair ang paglulunsad ng “Project Angel Tree,” na isang paraan upang labanan ang child labor.

Ayon kay Mayor Gatchalian, ang anti-child labor program na ito isa ring paraan sa pagkakaloob ng mga serbisyo sa mga dokumentadong mga batang manggagawa at nagbibigay din sa kanila ng oportunidad na matamasa ang kanilang oras sa paglilibang bilang mga bata at maisantabi muna ang nakaatang sa kanilang responsibilidad.

May kabuuan namang 46 na naka-profile na mga batang manggagawa sa lungsod ang nakinabang sa inilunsad na programa matapos pagkalooban ng pagkain, gamit pang-eskuwela at mga regalo mula sa ilang mga nagmamay-ari ng pribadong industriya at non-government agencies.

Nakapaglaro din sila ng libre sa Kidzoona sa SM City Valenzuela.