Calendar
Valeriano kinakalampag MTRCB para agad aksiyunan Vice Ganda, Ion issue
KINAKALAMPAG ng Chairman ng House Commitee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang Movie and Television Review ang Classification Board (MTRCB) para agad nitong aksyunan ang ipinakitang kahalayan nina Vice-Ganda at Ion Perez sa harapan ng libo-libong manonood ng “It’s Showtime” patungkol sa malaswang pagsubo ng dalawang TV host ng icing cake gamit ang kanilang mga daliri.
Nauna rito, ipinahayag ni Congressman Valeriano na masyado umanong napaka-halay at hindi angkop ang ginawang eksena nina Vice-Ganda at Ion Perez sa harapan ng mga manonood. Matapos ang malaswang pagsubo nila ng icing cake habang tumitirik kunwari ang kanilang mga mata sa “Isip-Bata” segment ng noon time show na “It’s Showtime” na nasaksihan pa mismo ng mga batang kasama sa nasabing segment.
Dahil dito, hindi ikinatuwa ni Valeriano ang naging “actuations” o aksiyon ng dalawang TV host sapagkat hindi na umano nila isina-alang alang ang kapakanan ng mga batang manonood pati na ang mga batang kasama sa kanilang programa na hindi dapat makita ng ganooong ka-sensitibong eksena.
Iginiit ng kongresista na aminin man o hindi nina Vice-Ganda at Ion Perez ang kanilang intensiyon. Subalit napakalinaw aniya na mayroon silang ibig ipakahulugan sa kanilang ginawa sa pamamagitan ng pagtirik ng kanilang mga mata habang isinusubo ang icing cake sa kanilang mga bibig. Kung saan, binigyang diin ni Valeriano na mahalay ang ibig ipakahulugan ng kanilang ginawa o naging aksiyon.
Dahil sa pangyayaring ito, hinahamon ni Valeriano ang pamunuan ng MTRCB na huwag magpatumpik-tumpik at sa halip ay agad na aksiyunan ang pagpapataw ng nararapat na sanction laban kina Vice-Ganda at Ion Perez upang ipaunawa sa dalawang TV host ang kanilang responsibilidad o pananagitan bilang mga hosts partikular na kung sila ay nasa harapan ng mga manonood.
Ipinaliwanag din ni Valeriano na kung nakakatanggap man ng mga pambabatikos si MTRCB Chairwoman Lala Sotto. Ito ay dahil narin sa kaniyang pananahimik matapos ang mahalay na eksenang ginawa ng dalawang TV host sa halip na mabigay agad siya ng kaniyang reaction o aksiyon patungkol sa nasabing insidente.
Sinabi ng mambabatas na hindi masisisi ni Sotto ang publiko kung umaani man siya ng mga pambabatikos mula sa mga ito. Sapagkat walang tao aniya ang natutuwa o naaliw man lamang sa ginawa nina Vice-Ganda at Ion Perez. Dahil hindi kailanman magiging bahagi ng entertainment ang paggawa ng kalaswaan sa harapan ng napakaraming audience.