Valeriano

Valeriano kinatigan ang imbestigasyon ng Kongreso tungkol sa power outage sa Panay Island

Mar Rodriguez Jan 6, 2024
156 Views

KINAKATIGAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpapatawag ng imbestigasyon patungkol sa malawakang power outage sa Panay Island at ilang bahagi ng Western Visayas na nagdulot ng malaking epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga mamamayan.

Binigyang diin ni Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi umano katanggap-tanggap ang nangyaring malalang epekto ng blackout sa kabuhayan ng mga mamamayan at maging sa ekonomiya ng Panay Island at ilang bahagi ng Western Visayas.

Sinabi ni Valeriano na layunin ng isasagawang imbestigasyon ng Kongreso na magkaroon ng agarang solusyon para masiguro na magiging consistent at maasahan ang supply ng kuryente para sa lahat ng residente ng lalawigan kabilang na ang mga may-ari ng iba’t-ibang negosyo.

Ayon sa kongresista, napakahalaga din sa ikakasang pagsisiyasat ang pagpapanagot sa mga taong sangkot o ang mga entities na nasa likod ng nangyaring sakuna o malawakang blackout. Bunsod ng kanilang kapabayaan dahil narin sa kanilang kabiguan na mapanatili ang inaasahang power grid.

Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi lamang matatawag na simpleng aksidente ang nangyaring blackout sa Panay Island bagkos ay malaking trahedya. Sapagkat maraming residente ng lalawigan kabilang na ang mga negosyante na naapektuhan ng naturang power outage.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang lubhang tinamaan o naapektuhan ng malawakang blackout ay ang mga maliliit na negosyo katulad ng mga karinderya o kainan, mga nagtitinda sa palengke, mga may-ari ng ice plant, mga may-ari ng restaurant at iba pang mga negosyo.

“Napakahalaga na magkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso tungkol sa malawakang blackout sa Panay Island sapagkat maraming mamamayan at mga negosyante ang naapektuhan ng pangyayaring ito. Malaki ang kanilang ikinalugi at ito’y nagdulot sa kanila ng malaking perwisyo,” paliwanag ni Valeriano.