Valeriano

Valeriano: MMDA maraming issue na kailangang sagutin

Mar Rodriguez Sep 8, 2023
226 Views

IPINAHAYAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na kapag sumalang na sa budget hearing ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) napakaraming issues ang kailangan nitong sagutin.

Sinabi ni Valeriano na kaliwa’t-kanang issues ang kailangang sagutin ng MMDA sa oras na sila na ang sasalang para dipensahan ang kanilang 2024 proposed national budget sa pamamagitan ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay 2nd Dist. Cong. Jey Sarte Salceda.

Ayon kay Valeriano, kabilang dito ang issue ng mga pagbaha sa Metro Manila kung saan, nakakakuha ang MMDA ng malaking budget para sa pagsasagawa ng mga dredging projects.
Subalit ang nakakapagtaka umao ay kung bakit patuloy parin umano ang mga pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Binigyang diin ni Valeriano na sisikapin nilang alamin mula sa pamunuan ng MMDA kung ano ang mga ginagawa nilang hakbang para maibsan ang matinding pagbaha sa Metro Manila partikular na mga lugar na malimit bumaha.

Ipinaliwanag ng kongresista na nais talaga nilang malaman mula sa MMDA kung bakit sa kaunting ulan lamang ay nagre-resulta na ito agad sa napakatinding pagbaha gayong malaking pondo ang nakalaan para sa mga dredging projects.

“Iyan sana ang gusto natin alamin dito sa MMDA na kung bakit kaunting ulan lamang eh’ napakatindi na ng pagbaha sa Metro Manila. Ang tanong lang dito eh’ kung effective ba ang kanilang dredging project? Kung ang sagit nila eh effective. Ang susunod na tanong. Kung ganun, bakit matindi ang mga pagbaha?” sabi ni Valeriano.