Valeriano

Valeriano naniniwala puwedeng gamitin contingency funds para tulungan OFWs sa Israel

Mar Rodriguez Oct 13, 2023
422 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na maaaring gamitin ng pamahalaan ang “contingency funds” para matulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng kasalukuyang kaguluhan sa Israel dahil sa pag-atake ng Palestinian Islamist Group sa Hamas.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na puwedeng gamitin ng gobyerno ang contingency funds para sa agarang pagpapatupad ng repatriation at paglilikas sa libo-libong OFWs na kasalukuyang naiipit sa nangyayaring kaguluhan sa nasabing bansa.

Kasabay nito, iminumungkahi din ni Valeriano kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagbabalangkas at pagbubuo ng isang “economic plans” para sa mga OFWs sa oras na mawalan sila ng trabaho at magsara ang mga kompanya sa Israel bunsod ng nangyayaring kaguluhan.

Hinihikayat din ng kongresista ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan nilang magbuo ng isang contingency plans para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs kabilang na dito ang mga Pilipinong naninirahan sa Israel.

Ayon kay Valeriano, maaari din magamit ang contingency funds para naman sa paglilikha ng mga OFWs na mawawalan ng trabaho sa Israel. Kung saan, ang nasabing pondo aniya ay talagang nakalaan para sa mga ganitong pagkakataon o puwedeng lamang magamit sa isang emergency situations.

Pinapurihan din ng Manila solon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa pagsisikap nito para matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs sa Israel matapos ipahayag ng nasabing ahensiya na nagsasagawa sila ng “closely monitoring” sa kalagayan ng 24,807 Pilipino sa Israel.