Valeriano

Valeriano pinapurihan ginawa ni Gadon

Mar Rodriguez Dec 21, 2023
141 Views

Matapos payuhan si PBBM tungkol sa NAIA rehabilitation project

PINAPURIHAN ng isang Metro Manila congressman ang naging hakbang ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon matapos nitong payuhan si Pangulong Marcos, Jr. patungkol sa ikinakasang rehabilitation project ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nauna rito, pinayuhan ni Gadon si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ipag-utos nito ang extension para sa “deadline” ng bidding para sa P171-billion rehabilitation project ng NAIA.

Dahil dito, sinabi ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na kahanga-hanga umano ang naging pagkilos ni Secretary Gadon sapagkat malaking pera ang pinag-uusapan para ilunsad ang nasabing proyekto sa NAIA.

Sinang-ayunan ni Valeriano ang naging pahayag ni Gadon na hindi dapat madaliin ang rehabilitation project ng NAIA at sa halip ay kinakailangang palawigin pa ang deadline ng Department of Transportation (DOTr) para magkaroon ng pagkakataon na makalahok sa bidding ang iba pang kompanya.

Ayon sa kongresista, kung hindi magkakaroon ng extension para sa bidding. Hindi umano maiiwasang magkaroon ng pagdudududa at agam-agam na mayroon pinapaborang kompanya ang DOTr. Bunsod narin ng pagtatakda nila ng “deadline”. Kung saa, dalawang kompanya lamang ang nakasali sa bidding.

“Why the rush? That’s a P171 billion project. May favored bidder ba iyan kaya ayaw magpa-extension? Kaya ako ay humahanga sa naging pagkilos ni Sec. Gadon dahil malaking pera ang pinag-uusapan dito,” sabi ni Valeriano.

Nauna nang nawagan si Valeriano sa Department of Transportation (DOTr) na pakinggan ang payo ng Asian Development Bank (ADB) kaugnay sa extension ng bidding para sa rehabilitation project ng NAIA.

Umaapela ang mambabatas sa pamunuan ng DOTr upang magkaroon ng isang buwang extension o pagpapalawig sa deadline ng bidding para sa rehabilitation project ng NAIA para maiwasan ang monopoly sa proyekto.

Ipinaliwanag ni Valeriano na napakahalagang mapakinggan ng DOTr ang opinion ng ADB sapagkat bihasa sila sa ganitong larangan upang makapili o magkaroon din ng alternatibo ang Transportation Department para naman sa mga kuwalipikadong kompanya na lalahok sa gagawing bidding.