Valeriano

Valeriano umaasa na ipapasa ng Kamara panukalang batas kaugnay sa paglalagay ng CCTV sa mga negosyo

Mar Rodriguez May 9, 2024
162 Views

UMAASA si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na maipapasa ng Kamara de Representantes bago mag-sine-die adjournment ang panukalang batas na naglalayong gawing mandato para sa lahat ng “business establishment” ang paglalagay ng CCTV sa kanilang establisyemento.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang kahalagahan ng paglalagay o pagpapakabit ng Closed Circuit Television (CCTV) camera ng isang business establishment upang maprotektahan ang publiko laban sa kriminalidad.

Ayon kay Valeriano, maituturing na napakahalagang instrumento ang pagkakaroon ng CCTV camera sa mga estratehikong lugar. Sapagkat malaki ang maitutulong nito sa isasagawang imbestigasyon ng Kapulisan para maresolba ang isang krimen, pagdakip sa mga salarin at pagbibigay proteksiyon sa publiko.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Valeriano na nakapaloob sa House Bill 8068 ang pagbibigay ng mandato sa lahat ng business establishment na magpalagay o magpakabit ng CCTV camera sa kanilang entrance at exit o sa loob ng kanilang “workplace” para sa tinatawag na “crime prevention”.

Sinabi ng kongresista na kailangan ang partisipasyon ng private sector para matulungan ang mga law enforcement agencies na maprotektahan ang mga public places at para masagkaan narin ang kriminalidad o crime prevention sa pamamagitan ng pagpapakabit ng mga CCTV cameras.

“Napakahalaga ng papel na kailangang gampanan ng private sector. Sa pamamagitan ng pagpapalagay nila ng CCTV cameras, malaki na ang naitutulong nila sa ating mga law enforcement agencies,” wika ni Valeriano.

Samantala, sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Namahagi ng “financial assistance” si Valeriano para sa mga tinatawag na “near poor” kabilang ang mga sumasahod ng minimum wage earners na apektado ng inflation at mataas na bilihin.