Hon. Valeriano

Valeriano,pinayuhan si Teves na magpakatatag sa pagharap sa mga kaso vs sa kanya

Mar Rodriguez Mar 23, 2024
119 Views

PINAYUHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang kasamahan nitong mambabatas na si dating Negros Oriental 3rd Dist. Cong. Arnolfo “Arnie” A. Teves, Jr. na magpakatatag sa pagharap nito sa mga kasong isinampa laban sa kaniya kaugnay sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Nauna rito, kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Sec. Crispin Jesus Remulla na nadakip na sa Timor Leste ang puganteng mambabatas noong March 21 habang naglalaro ng golf ang dating kongresista sa Top Golf Driving Range and Bar matapos ang isang taong pagtatago nito sa batas.

Si Teves ay kasalukuyang nahaharap sa kasong multiple murder patungkol sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo kabilang na ang lima pang nitong kasamahan noong March 2023.

Ayon kay Remulla, ang pagkakadakip kay Teves ay resulta ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng Philippine law enforcement agencies kabilang na ang International Police (INTERPOL), National Central Bureau sa Dili at pakikipag-koordinasyon din ng pamahalaan sa East Timorese Police.

Dahil sa pangyayaring ito, sinabi ni Valeriano na ang tanging magagawa na lamang niya ay ang makisimpatya para sa dating kasamahan sa Kamara de Representantes dahil sa mabigat na pagsubok na pagdadaanan nito sa pamamagitan ng gagawin nitong pagharap sa mga kaso laban sa kaniya.

Sinabi din ni Valeriano na bagama’t naaresto na ang dating kongresista, ito naman aniya ang pagkakataon ni Teves para harapin ang mga akusasyon laban sa kaniya at depensahan ang kaniyang sarili sa Hukuman.

“We cannot help to empathize with a colleague but due to strong allegations against him. This moment was really bound to happen, we hope. However, that he will remain strong to face his accusers and take this opportunity to defend himself. Remedies are still available to him under the law,” sabi ni Valeriano.