Van Source: Tuba MPS

Van sumalpok sa pader; 3 patay, 19 sugatan

Zaida Delos Reyes Mar 10, 2025
7 Views

PATAY ang tatlong magkaka-anak habang 19 na iba pa ang nasugatan matapos na sumalpok sa konkretong pader ang van na sinasakyan ng mga ito nitong Linggo ng umaga sa Tuba, Benguet.

Nakilala ang mga nasawi na sina Justine Nichole Fernandez Bungay, 22; Homer Lozano, 46 at Arlene Nanquil, 56 pawang mga residente ng Pampanga.

Isinugod naman sa mga pagamutan sa Baguio City ang mga nasugatan kung saan lima sa kanila ang nagtamo ng grabeng sugat sa katawan habang ang iba ay nagtamo ng minor injuries.

Batay sa ulat ng Tuba Municipal Police Station, naganap ang aksidente dakong 4:00 ng madaling araw sa palikong bahagi ng kalsada sa Sitio Buntiway, Poblacion, Tuba, Benguet.

Binabaybay ng sasakyan ang palikong bahagi ng kalsada nang malawan ito ng preno at sumalpok sa konkretong pader sa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng impact ng aksidente, nawasak ang harapan ng van na naging sanhi ng pagkasawi ng tatlong pasahero at pagkasugat ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.