Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Khonghun

Vloggers na pro-China, utusan ng kandidato banta sa bayan— Khonguhun

27 Views

NAGBABALA si House Special Committee on Bases Conversion Chairman Jay Khonghun ng Zambales kaugnay ng lumalaking impluwensya ng China sa politika ng bansa gamit ang ipinapakalat na maling impormasyon.

Nanawagan si Khonghun sa mga Pilipino na huwag suportahan ang mga kandidato at social media influencers na nagtataguyod ng interes ng Beijing at pinagtataksilan ang soberanya ng Pilipinas at sinasayang ang ibinuwis na buhay ng ating mga bayani.

“Ang tunay na magigiting, hindi nagpapagamit sa dayuhan. Sa katatapos lang na Araw ng Kagitingan, hindi natin dapat palampasin ang mga nagpapanggap na makabayan pero tahimik o pabor sa China. Hindi sila kakampi ng bayan,” ayon kay Khonghun.

Ang mga pahayag ni Khonghun ay kasunod ng mga rebelasyon na inilabas sa pagdinig noong Abril 8 ng House Tri-Committee na binubuo ng Committee on Public Order, Public Information, at Information and Communication Technology, kung saan ibinunyag ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa usapin ng West Philippine Sea na si Commodore Jay Tarriela kung paanong ang dalawang kilalang pro-Duterte na blogger na sina Anna Malindog-Uy at Ado Paglinawan, ay nagpapakalat ng mga kuwentong tumutugma sa propaganda ng China, partikular upang siraan ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ipinakita ni Tarriela ang post ni Malindog-Uy, kung saan pinalalabas nito na ang Philippine Coast Guard ang nag-umpisa ng banggaan sa dagat laban sa China Coast Guard.

“Pag-aralan ninyo ang footage, sabi niya, parang tayo pa ang may kasalanan,” giit ni Tarriela.

Binanggit din niya ang post ni Paglinawan na tinawag ang mga pagsisikap ng Pilipinas na ipagtanggol ang karapatan nito sa karagatan bilang kabaliwan.

“Ito po ang mga halimbawa ng disinformation na direktang sumasalungat sa interes ng ating bansa,” saad pa ni Tarriela sa ginanap na pagdinig ng Tri-Comm.

Sinang-ayunan ni Khonghun ang pangamba ni Tarriela at binigyang-diin na ang disimpormasyong ipinakalat ng mga influencer na ito ay hindi simpleng maling impormasyon—bagkus, ito ay bahagi ng isang mas malawak at koordinadong pagsusumikap mula sa mga banyagang pwersa. “Kung parehong pro-Duterte at pro-China ang content nila, hindi na tayo dapat magtaka—iisa lang ang amo nila. At hindi Pilipino ’yon.”

Ayon sa investigative report ng PressOne.PH, isang network ng mga pro-China na X (dating Twitter) accounts ang tahasang umaatake kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang pinapalakas ang mga ‘content’ na pabor kay Vice President Sara Duterte.

Ang mga account na ito ay nagbabahagi ng sabayang mga post, kabilang ang pekeng “polvoron” video na maling iniuugnay si Marcos sa paggamit ng droga, mga artikulong nakasulat sa wikang Chinese na kumakalaban sa pakikialam ng Estados Unidos sa mga isyu ng Pilipinas sa karagatan, at mga kwentong pro-Duterte na tahasang ipinagwawalang bahala ang mga paglabag ng China sa West Philippine Sea.

“Kapag tahimik sa West Philippine Sea pero maingay sa paninira sa presidente, alam na natin kung sino ang pinoprotektahan,” ayon kay Khonghun. “’Wag tayong magpabola sa mga kandidatong ang pinagsisilbihan pala ay banyagang interes.”

Pinagtibay ng mga independiyenteng imbestigasyon ang pag-iral ng isang masinsin at estratehikong kampanya na naglalayong wasakin ang demokrasya ng Pilipinas.

“Ang ginagawa ng China ay hindi simpleng pakikialam. Isa itong sistematikong kampanya para gawing sunod-sunuran ang mga lider natin, habang inaagaw ang teritoryo natin,” babala pa ni Khonghun.

“Hindi malayong China ang sumusuporta sa mga kandidato na kalaban ng administrasyon sa Senado. Balikan nati, sila rin ang tahimik o kampi sa China sa bawat usapin ng West Philippine Sea. ’Wag na tayong palinlang. Hindi sila para sa bayan,” giit pa ng kongresista.

Hinihikayat niya ang mga botante na ipamalas ang tunay na diwa ng Araw ng Kagitingan sa pamamagitan ng hindi pagsuporta sa mga kandidatong ito. “Hindi sapat na bumoto—dapat alam mo kung sino ang binoboto mo. Hindi porke’t kilala sa YouTube o may ‘tapang at malasakit’ e para na sa bayan. Tanungin natin: sa tapang nila, kaninong interes ang pinoprotektahan?”

“Kung mahal mo ang Pilipinas, bumoto ka para sa Pilipinas. At kung tunay kang magiting, hindi ka mananahimik habang inuunti-unti tayong sinasakop ng kasinungalingan. Panahon na para tumindig. Hindi lang ito eleksyon—ito ang laban para sa ating Kalayaan,” ayon pa kay Khonghun.