Chi

VM Chi sa mga konsehal: Itaguyod pinakamataas na antas na propesyonalismo

Edd Reyes Oct 15, 2025
265 Views

HINIMOK ni Vice Mayor Chi Atienza ang lahat ng mga konsehal ng 13th Manila City Council na itaguyod ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo at tiyaking mahigpit na masusunod ang angkop na proseso sa lahat ng usapin.

Ayon kay VM Atienza, na siya ring presiding officer ng City Council, tiwala siyang pagtutuunan ng oras ng lahat ng mga konsehal ang inilabas niyang kautusan na nagpapaalala sa lahat na iwasan ang pagbibiro o anumang patutsada habang nagpapatuloy ang talakayan sa Konseho.

“First, let me be very clear: the City Council of Manila does not tolerate any form of harassment or inappropriate behavior, inside or outside this session hall. Every public servant must be held to the highest standards of respect and integrity,” pahayag ni Atienza.

Ang pahayag ng bise alkalde ay kaugnay sa privilege speech ng isang konsehala na nag-aakusa ng sexual harassment sa kapuwa konsehal kung saan inatasan niya ang Committee on Ethics na pinamumunuan ni Konsehal Atty. Jaybee Hizon na magsagawa ng pagdinig sa usapin sa Huwebes, Oktubre 16, 2025 at tiyaking patas, walang kinikilingan, at malinaw ang isasagawang pagsisiyasat.

“This is to ensure that both parties are given their right to due process and to allow wheels of justice to prevail, in accordance with the Council’s Internal Rules of Procedure and applicable laws,” paliwanag ni Atienza.

Nilinaw ng bise alkalde na bagama’t bukas sa publiko ang isasagawang pagdinig, nagbilin siya sa mga dadalo na patayin muna o ilagay sa silent mode ang kanilang cellphone, iwasang kumuha ng larawan, video, at audio recordings upang mapanatili ang integridad ng pagdinig at pagrespeto sa sub-judice rule.

Binigyang diin ni VM Atienza na tungkulin niyang pangalagaan ang integridad ng institusyon at tiyaking mananatiling ligtas at respetado ang lugar para sa lahat.

“We are here as public servants, not as politicians. The City of Manila has faced many challenges before, and we have always overcome them by standing on the side of truth and good governance. This is no different,” dagdag pa niya.