Sara

VP Sara hinamon na magpa-lie detector test sa alegasyon ng dating opisyal ng DepEd

66 Views

HINAMON ng isang miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes noong Huwebes si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa lie detector test kasunod ng isiniwalat ng isang dating opisyal ng Department of Education (DepEd) na pinadadalhan siya nito ng“sobre.”

Ayon kay dating Education USec. Gloria Mercado siya ay pinadadalhan ng sobre buwan-buwan mula ng maitalagang Head ng Procuring Entity (HOPE) sa DepEd.

Hinikayat ni Zambales Rep. Jay Khonghun ang Bise Presidente na sumailalim sa lie detector test kasama Mercado na humarap sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Miyerkoles.

“Kung talagang sa puso ni VP Duterte eh feeling niya nagsasabi siya ng totoo, mag-lie detector test na lang silang dalawa ni USec Mercado, para magkaalaman kung sino nagsasabi ng totoo. Hindi na kailangan pang magdeny at manira sa presscon,” ani Khonghun.

Sinabi ni Mercado na siya ay pinilit magbitiw sa DepEd dahil ayaw nito na pag-usapan na lang ang bidding para sa Computerization program at iginiit na dapat sundin ang batas sa procurement.

“Kung wala namang tinatago si VP Duterte, walang issue sa pag-take ng lie detector test. Mahalaga na malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. Pondo ng bayan ang pinag-uusapan, and the Vice President owes it to the people to prove her honesty and integrity,” ayon kay Khonghun.

Sa testimonya ni Mercado, sinabi niyang nakatanggap siya ng siyam na sobre mula Pebrero 2023 hanggang Setyembre 2023, at bawat isa ay naglalaman ng P50,000.

Ayon sa kanya, ang mga sobreng ito ay ibinigay sa kanya ni Assistant Secretary Sunshine M. Fajarda, na nagsabing ang mga ito ay mula kay VP Duterte.

Nang tanungin ni Batangas Rep. Gerville Luistro kung ang mga sobre ay maaaring ibinibigay upang ma-impluwensyahan ang kanyang mga desisyon bilang HoPE, sagot ni Mercado, “It could be.”

Binigyang-diin pa ni Khonghun na si Mercado ay tumestigo at nanumpa sa harap ng komite, habang tumanggi naman si VP Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo.

“Yung testimony ni USec Mercado, she made under oath. Si VP Duterte refused to take the oath. Kaya hindi mo maalis sa aming mga mambabatas ang magduda sa transparency ni VP Duterte. Kaya mas maganda, mag-lie detector test na lang siya,” saad pa nito.

Ayon kay Mercado, binalak niyang ibalik ang mga sobre sa kanyang exit call matapos magretiro ngunit hindi niya ito nagawa. Sa halip, idinonate niya ang pera sa isang non-government organization, at isiniwalat na ang mga sobre ay naglalaman ng kabuuang P450,000.

“This goes to the heart of protecting our public institutions. Hindi na ito basta usapin lamang ng irregularidad. Usapin na ito ng integridad sa public service. Kung totoo ang sinasabi ni USec Mercado, hindi natin dapat pinapayagang mag-ugat ang ganitong kultura sa paglilingkod sa bayan,” ayon kay Khonghun.

“Dapat malaman ng taumbayan kung sino nga ba ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. The Vice President should come clean, and she can only do that if she passes a lie detector test,” dagdag pa ng kongresista.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ng Kamara ang umano’y maling paggamit ng confidential funds at ang proseso ng procurement sa DepEd sa panahon ng pamumuno roon ni Duterte.