Calendar
VP Sara makikipag-usap sa mga militanteng grupo, pero pasukan hindi na iuurong
HANDA si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na makipag-usap sa mga militanteng grupo upang marinig ang kanilang panig at mga suhestyon kaugnay ng edukasyon.
Pero sinabi ni Duterte na hindi na iuurong ang nakatakdang pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 22.
Isa sa itinutulak ng grupong Teachers Dignity Coalition na mailipat ang araw ng pagsisimula ng klase sa Setyembre.
“Ah no. No, no. Approved na po ito ng ating Pangulo and meron na po itong
Department Order 34. So tutuloy na po tayo doon,” sabi ni Duterte.
Ayon kay Duterte sa pagsisimula ng klase ay hindi muna 100% face-to-face classes. Gagawin lamang ito sa Nobyembre 2.
Sinabi ni Duterte na hindi katulad noong 2020, ang mga tao ngayon ay sanay na magsuot ng face mask at mayroon na rin umanong bakuna na panlaban upang hindi magkaroon ng malalang sintomas ng COVID-19.
Muli ring nanawagan si Duterte sa publiko na magpabakuna at magpabooster shot kung kuwalipikado.
“Ang panawagan po namin doon sa mga pamilya na mayroon pong high risk na mga individuals sa loob ng bahay nila na magpabakuna po sila at magpa-booster na po yung ating mga high risk and with comorbidities dahil meron po silang exposure and interaction sa mga bata na papasok po sa paaralan,” dagdag pa ni Duterte.