Davao

Wala kaming kinalaman sa video ng gulo sa bar sa Davao — PNP

Alfred Dalizon May 4, 2025
17 Views

NILINAW noong Linggo ng Philippine National Police (PNP) na wala sa kanila ang anumang CCTV footage na nagpapakita ng gulo sa isang bar sa Davao City na kinasasangkutan ni Rep. Paolo Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.

Hindi galing sa PNP ang mga video na kumakalat online na makikita si Rep. Duterte na minamaltrato ang isang lalaki sa loob ng isang bar habang napapaligiran ng kanyang mga bodyguards at wala ring PNP unit o personnel na naglabas nito, ayon sa PNP.

Itinanggi ng PNP ang anumang kaugnayan sa pagkalat ng affidavit ng complainant na lumabas na rin sa social media at iba pang platforms.

“Hindi ito galing sa PNP, at wala kaming opisyal na papel sa pagpapalaganap ng nasabing dokumento. Iginagalang ng PNP ang proseso ng batas. Sa ngayon, ang kaso ay opisyal nang naisampa sa Department of Justice kaya kung may mga katanungan tungkol sa nilalaman ng reklamo, dapat po itong idulog sa kanilang tanggapan,” dagdag ng PNP.

“Bilang bahagi ng aming mandato, handa ang PNP na makipag-ugnayan kung ito ay pormal na hihilingin ng mga kinauukulang ahensya.

Ngunit, hinihikayat namin ang publiko na mag-ingat sa pag-share ng impormasyon online, lalo na kung ito ay hindi pa validated o kumpirmado ng mga otoridad,” ayon pa sa PNP.