bro marianito

Wala rin ba tayong paki-alam sa maraming Lazaro sas ating paligid (Lucas 16:19-31)

526 Views

“Namatay ang pulubing si Lazaro at siya’y dinala ng mga Anghel sa piling ni Abraham sa Langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayamang lakaki at inilibing”. (Lucas 16:22)

MALIMIT natin marinig sa bibig ng mga taong naghihikahos at namumuhay sa karukhaan na dito daw sa ibabaw ng mundo ay puro pagdurusa ang kanilang nararanasan mistulang impiyerno. Samantalang ang mga mayayaman, sa lupa pa lamang ay natitikman na daw nila ang Langit o isang masarap at masaganang pamumuhay.

Kadalasan ay iniuugnay natin ang Langit sa isang pamumuhay na sagana, hitik sa karangyaan at sa lahat ng magagandang bagay. Habang ang mga taong salat sa buhay o ang mga taong isang-kahig-isang tuka ay inihahalintulad naman ng ilan sa “impiyerno” sapagkat ang uri daw ng kanilang pamumuhay ay tigib ng pagtitiis at pagdurusa.

Matutunghayan natin sa kuwento ng Mabuting Balita (16:19-31) ang tungkol sa isang mayamang lalake na laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. Samantalang may isang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat at naghihikahos.

Ang lalaking mayaman ay hitik sa magagandang bagay dito sa ibabaw ng Lupa. Katulad ng pagkain, magagarang damit at mala-palasyong tahanan. Habang si Lazaro naman ay salat sa maraming bagay kasama na ang pagkain niya sa pang-araw araw.

Hindi naglaon ay kapwa namatay ang lakakeng mayaman at gayundin si Lazaro. Subalit si Lazaro ay napunta sa piling ni Abraham (Lucas 16:23) samantalang ang lalake naman ay naghihirap at nagdurusa sa daig ng mga patay na kung tawagin ay impiyerno. (Lucas 16:23)

Ano ang nangyari? Bakit napunta sa impiyerno ang lalakeng mayaman na nuong una ay namumuhay ng sagana at sa karangyaan dito sa ibabaw ng lupa habang si Lazaro naman na naghihirap dito sa lupa ay napunta sa Langit kapiling ni Amang Abraham?

Ano ba ang nais ipakahulugan ng Pagbasa? Ano ba ang malalim na mensaheng nais nitong ituro sa atin? Subalit nais lamang natin ituwid ang isang katotohanan na hindi isinusumpa ang pagiging isang mayaman o ang lahat ng mayayaman ay mapupunta sa impiyerno.

Hindi masama ang maging mayaman, hindi natin ikakadala sa impiyerno dahil tayo ay mayaman. Hindi ito ang kasalanan ng mayamang tao sa Ebanghelyo. Gayundin naman, dahil ikaw ay mahirap ay nakakatiyak ka ng mapupunta ka sa Langit tulad ni Lazaro.

Kahit mahirap o mayaman kapag tayo ay lumabag sa utos ng Panginoon tayo ay mapupunta sa impiyerno. Kahit mahirap o mayaman kapag tayo ay sumunod sa utos ng Diyos at namuhay sa kaniyang kalooban, tayo ay makakapiling niya sa kaniyang Kaharian sa Langit.

Ngunit ang Ebanghelyo ay hindi naman usapin ng kung sino ang mahirap at kung sino naman ang mayaman. Bagkos ito ay usapin ng ating ugali, pagtrato at pakikitungo sa ating kapwa. Katulad ng ipinakitang ugali ng mayaman sa pulubing si Lazaro.

Nagpapasasa ang mayaman sa kasaganaan ng kaniyang marangyang pamumuhay habang hindi man lamang niya maalalang bigyan kahit man lang kakarampot na pagkain si Lazaro na naroon sa kaniyang pintuan. Naging bulag siya sa kalagayan ng kaniyang kapwa.

Para sa taong ito, kuntento na siya sa kaniyang buhay na kumakain, umiinom at nagtatampisaw sa karangyaan. Mistulang wala na siyang paki-alam sa sitwasyon ng ibang tao tulad ni Lazaro dahil ang mahalaga lang sa kaniya ay ang kaniyang sarili lamang.

Naging manhid at bulag ang mayaman sa kalagayan ng kaniyang kapwa. Hindi siya napunta sa impiyerno dahil sa kaniyang katayuan sa buhay o ang pagiging mayaman. Kundi ang ugaling ipinakita niya patungkol sa mga taong hindi kasing palad o kasing suwerte niya.

Hindi pang-habambuhay ang pananatili natin dito sa ibabaw ng mundo. Darating ang araw na haharap tayo sa ating Panginoon at sa paghaharap na iyon hindi niya itatanong kung gaano tayo kayaman, hindi niya itatanong kung ano ang trabaho at propesyon natin.

Hahatulan tayo ng Diyos hindi alinsunod sa naging katayuan natin dito sa mundo. Kung tayo ay isang Doctor, abogado, congressman, senador o isang matagumpay na negosyante. Huhusgahan tayo ng Panginoon batay sa naging pagtrato natin sa ating kapuwa.

Nagdurusa ang mayaman sa apoy ng impiyenro sapagkat pinagkaitan niya ng tulong ang pulubing si Lazaro, naghihirap siya dahil nagpaka-manhid siya sa sitwasyon ni Lazaro at kaya siya nagdurusa ay dahil ipinagdamot niya ang mga biyayang tinatamasa niya.

“At sasabihin sa kanila ng Hari, tandaan ninyo. Nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan. Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan.” (Mateo 26:45 – Ang Paghuhukom)

Itinuturo ng Pagbasa na anong halaga ng kayamanan kung hindi naman tayo marunong maging kapwa sa mga taong hindi kasing suwerte natin. Mayroong bang magagawa ang ating yaman kapag hinatulan na tayo ng Panginoon batay sa naging ugali natin sa ibang tao.

Ang sabi nga ng Panginoon, mayroon ba tayong mapapapala kung ariin man natin ang buong mundo kung mapapahamak naman ang ating kaluluwa. Mayaman nga tayo sa ibabaw ng lupa subalit dukha naman tayo sa paningin ng Diyos.

AMEN