Kulong

Walang nakikil nanutok ng paltik, arestado

Edd Reyes Mar 23, 2026
213 Views

TIMBOG ang 26-anyos na tambay na nangingikil sa mga tricycle driver nang maaktuhan ng mga nagpapatrulyang pulis noong Linggo sa Navotas City.

Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz, alas-5:50 ng hapon nang harangin ng suspek ang 28-anyos na tricycle driver sa Road 10 para kikilan.

Nang tumanggi ang tricycle driver dahil wala pang kita, naglabas ng paltik na shotgun ang suspek at binantaan na babarilin ang biktima.

Nagtatakbo patungo sa mga tauhan ng Sub-Station 4 ang biktima upang humingi ng tulong kaya nadakip ang suspek at nakumpiska ang dalang sumpak na kargado ng bala.

Kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isasampa sa suspek.