Calendar
Walong OFWs na pina-uwi mula sa Riyadh, Saudi Arabia sinalubong ng OFW Party List Group sa NAIA Termina 3
SINALUBONG ng One Filipino Worldwide (OFW) Party List Group sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Termina 3 ang walong (8) pina-uwi o repatriated na Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na ang 8 Pilipinong manggagawa ay nagta-trabaho sa Riyadh, Saudi Arabia bilang mga tagalinis o cleaners. Kung saan, noong taong 2022 ay illegal silang tinanggal o “illegally terminated” mula sa kompanyang pinapasukan nila.
Ipinaliwanag ni Magsino na tinanggal umano ang walong OFWs ng wala man lamang abiso. Kung kaya’t sa loob ng anim (6) na buwan ay naging stranded sila sa isang kompanya sa Riyadh na nag-alok naman ng kanilang tulong para mayroong masilungan ang walong Pilipinong manggagawa.
Ayon kay Magsino, sa loob ng anim (6) na buwan ay wala umanong kinikita ang walong (8) OFWs para tustusan ang kanilang pang araw-araw na pagkain at iba pang pangangailangan. Kaya’t nakipag-ugnayan aniya ang mga ito sa OFW Party List Group para tulungan silang makabalik agad ng Pilipinas.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan naman ang kongresista sa Department of Migrants Workers (DMW), Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Welfare Workers (OWWA) sa Riyadh upang magkaroon ng tinatawag na “necessary arrangements” para sa agarang pagpapa-uwi sa walong stranded na OFWs.
Nananawagan naman si Magsino na DWM na agad na imbestigahan ang mga pangyayari kaugnay sa sinapit ng walong OFWs sa Riyadh matapos silang tanggalin sa kanilang trabaho o nagkaroon ng hindi maipaliwanag na termination.
“It is unacceptable that our OFWs were not only wrongly terminated. But were also left fend for themselves while stranded for 6 months. We should pursue appropriate legal actions or administrative sanctions against the recruitment agency here in the Philippines that disregard the welfare of our kababayans,” ayon kay Magsino.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar na hindi dapat palampasin ng DMW at ni OFW Party List Congresswoman Magsino kalapastanganang ginawa ng mga employer ng walong OFWs. Kung kaya’t dapat umanong managot ang mga ito.
Binigyang diin ni Millar na bilang mga employer. Tungkulin din aniya ng mga ito na mapangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga empleyado upang siguraduhin na naibibigay nila ng tama ang kanilang mga pangangailangan.
Sinang-ayunan din ni Millar ang naging pahayag ni Magsino na kailangang papanagutin ang recruitment agency ng walong OFWs dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.