Calendar

Watersheds sa PH pinapatatag ng DAR
ABALA ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagpapanatili ng kalinisan at katatagan ng mga watershed upang mapakinabangan ng mga tao para sa kanilang kabahayan, irigasyon at agrikultura.
Pinalakas kamakailan ng DAR ang Carood watershed, pinagkukunan ng tubig para sa mga kabahayan, irigasyon at agrikultura sa pitong bayan sa Bohol bilang bahagi ng pakikiisa sa National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD).
Inter-agency program ng pamahalaan ang NCI-SRD na layuning isulong ang pag-unlad sa kanayunan, masaganang agrikultura at pangangalaga sa kalikasan sa mga tinaguriang convergence areas gaya ng Carood watershed.
Mahigit sa 20,400 ektarya ng lupa sa Alicia, Anda, Candijay, Guindulman, Mabini, Pilar at Ubay ang sakop ng naturang watershed.
Sa kabila ng kahalagahan nito, nanganganib ang mga lugar mula sa soil erosion, pagbaha at maling paraan ng pagsasaka.
Bilang tugon, nakilahok ang DAR-Bohol sa reforestation sa ilalim ng programang “Trees for Unity” na inilunsad noong Nobyembre 2022 katuwang ang Bohol provincial government at iba pang ahensya ng pamahalaan.