Knife File photo ni JONJON C. REYES

Wating na kelot sinaksak umawat ng mga kaibigan; 1 dedo, 1 duguan

Edd Reyes Aug 27, 2024
27 Views

INATADO ng saksak ng isang lalaki ang dalawa niyang kaibigan na umawat lang sa kanyang pagwawala na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa Valenzuela City noong Linggo.

Namatay sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si alyas Balbas, 23, ng Donesa St., Balubaran, Brgy. Malinta dahil sa mga saksak sa likod at tagiliran at agaw-buhay si alyas Irene, 28, dahil sa saksak sa magkabilang braso.

Nahuli ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si Pepito Tenedoro, alyas Remmy, na napag-alamang may warrant of arrest dahil sa frustrated murder sa Regional Trial Court (RTC) Branch 21 ng Laong, Northern Samar.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni P/Cpt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), na dumalo sa birthday party ang magkakaibigan sa kasama nila sa trabaho noong at doon may nakatalo na bisita ang suspek.

Nang magwala ang suspek, nagpasiya ang mga biktima na isama ng pauwi ang nagwawala at itinuloy na lang ang pag-iinuman sa kanilang tinutuluyang bahay sa Melchor St., Brgy. Malinta.

Habang nag-iinuman, muling nagwala ang suspek at nais balikan ang nakaalitan kaya’t inawat siyang muli ng mga kaibigan.

Doon na bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang mga biktima bago mabilis na tumakas.

Pasado alas-10:00 ng gabi nang muling bumalik ang suspek sa kanyang tinitirhan at doon siya nadakip nina Capt. Delima.