Calendar

Yorme ikinalungkot na C.M. Recto sa Divi nagmistulang tapunan ng basura
NALUNGKOT si incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nang makita ang C.M. Recto Avenue sa area ng Divisoria na nagmistulang “landfill” o tapunan ng basura ang halos buong lansangan Huwebes ng umaga.
Naging bantog ang pangalan at hinangaan si Domagoso noong maupo bilang alkalde ng Maynila nang ipamalas niya ang paninindigang pulitikal para mapanatili ang kalinisan sa kahabaan ng C.M Recto sa Divisoria na ilang dekada ring pinamahayan ng illegal vendors at illegal terminal na hindi nasawata ng kapulisan at maging ng mga umupong alkalde ng lungsod.
Maging ang mga driver ng pampasaherong sasakyan na bumibiyahe sa lugar ay naibulalas na rin ang sama ng loob sa matinding trapik lalu na’t isang linya na lamang ang kanilang nadaraanan patungo sa Asuncion St. pabalik sa kanilang destinasyon dahil sa tambak na basurang hindi nahahakot.
Hindi naman inakala ni Yorme Isko na mangyayari ang nakadidiring sitwasyon sa area ng Divisoria lalu na’t iniwan niya itong malinis at maayos ang daloy ng trapiko nang tumakbo at mabigo sa 2022 presidetial election.
Batid na rin ng mga Manilenyo na magiging mabigat ang problemang kailangang lutasin sa Maynila ni Yorme Isko na iiwanan sa kanya ni Mayor Honey Lacuna sa oras na magsimula na syang manungkulan bilang alkalde sa Lunes ng tanghali.
Gayunman, kumpiyansa pa rin ang mga batang-Maynila sa malaking pagbabago sa lungsod na alam nilang hindi kaagad makukuha sa isang iglap lamang kahit pa nga ipinangako ni Yorme Isko ang gobyernong walang tulugan.
Inaasahan na rin na kakanselahin na ni Yorme Isko ang kontrata ng MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo) na kinuhang kompanya ng administrasyon ni Lacuna bunga ng pagkabigong tugunan ang paghahakot ng basura sa lungsod.
Malaki naman ang posibilidad na bumalik muli bilang tagapaghakot ng basura sa Maynila ang Leonel Waste Management Corp. dahil sa magandang rekord nito nang sila pa ang humahakot ng basura sa lungsod.