Edd Reyes

Yorme Isko di mangingiming pagulungin ulo ng mga gagawa ng kabuktutan

Edd Reyes May 28, 2025
19 Views

EXCITED na ang marami, lalu na yung mga tumulong ng wagas sa kampanya, sa napipintong pag-upo ni Mayor Isko Moreno bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila.

Yun nga lang, may panawagan ang mga taga-Tondo sa mga nagpapakilalang sanggang-dikit ni Yorme na huwag daw sanang haluan ng sariling interes ang pagtulong nila sa alkalde.

Hindi lang naman kasi sila ang mapupulaan kung lalabas na may sarili silang interes sa ginawang pagtulong sa kampanya kundi higit sa lahat, makakasira ito sa magandang imahe ni Yorme.

May usap-usapan kasi sa hanay ng mga sidewalk vendors na isang buwan pa bago magsimulang manungkulan ang alkalde, mayroon na raw nag-iikot at nagpapakilala na sila raw ang papalit sa kasalukuyang namamahala.

Kung totoo man na sila na ang papalit, huwag na nilang tangkain na mangotong sa mga vendors, dahil tiyak na hindi mangingimi si Yorme na hambalusin at sibakin kayo isa-isa kahit nakatulong pa kayo sa kampanya.

Sa tono lang ng pananalita ni Yorme na kasado na ang mga plano niya sa Maynila sa susunod na 10-taon, tiyak na hindi siya mangingiming pagulungin ang ulo ng mga gagawa ng kabuktutan kahit pa nga sabihing sila ay sanggang-dikit ng alkalde.

Proyektong Ready 4 Safety’ inilunsad ng Metro Pacific Tollways South

SA dami ng mga programa at proyekto ng Metro Pacific Tollways South (MPT South), kapansin-pansin ang pinakahuli nilang proyektong Drayberks: Ready 4 Safety Campaign na layong itaguyod ang ligtas na pagbiyahe sa mga pangunahing lansangan sa bansa.

Naniniwala kasi si Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) President at CEO Jose Ma. K. Lim na mahalaga ang papel ng expressway operators hindi lamang sa imprastraktura, kundi pati sa pagtataguyod ng kultura ng kaligtasan sa kalsada.

Sabi niya, isa lang ito sa mga ginagawang hakbang ng MPTC upang tuparin ang kanilang pangako para sa kaligtasan ng lahat ng mga tumatahak, hindi lang sa expressway, kundi sa lahat ng lansangan,

Katuwang ng MPT South sa paglulunsad ng proyekto ang mahigit sa 100 stakeholders mula sa pribado at pampublikong sektor, kabilang ang mga ahensiya ng pamahalaan at transport groups.

Naging tampok sa kaganapan ang unveiling ng bagong Road Safety Campaign na pinangunahan ni MPT Sout Vice President for Communication and Stakeholders Management Ms. Arlette Capistrano, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Unang inilunsad ang Drayberks, may anim na taon na ang nakararaan, kung saan kinilala ito bilang modelo sa mga programang pangkaligtasan sa paggamit ng lansangan. Kamakailan lang ay pinagkalooban ng Bronze Stevie Award ang Drayberks sa kategoryang Innovation in Communications/Public Relations sa 2025 Asia-Pacific Stevie Awards sa Seoul,South Korea.

Ang MPT South ay bahagi ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na nangangasiwa sa mga imprastraktura ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) kung saan tumatayong Pangulo at CEO si Manny V. Pangilinan at sila ring namamahala sa CALAX, CAVITEX, North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at Cebu-Cordova Link Expressway sa Cebu.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com