Yorme

Yorme Isko, VM Chi di pa natatanggap kopya ng kaso

Edd Reyes Dec 2, 2025
388 Views

INSULTO sa katalinuhan ng mga miyembro ng Liga ng mga Barangay ang akusasyon ng dating ex-officio ng City Council ng Maynila na si Dra. Leilani Lacuna hinggil sa paghahalal ng bago nilang pinuno.

Reaksiyon ito ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa inihaing kasong graft at iba pa sa Tanggapan ng Ombudsman laban kina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza at 13-iba pa kaugnay sa pagpapatalsik sa kanya bilang kinatawan sa City Council ng Liga ng mga Barangay.

Sa inilabas na kalatas ng Manila Public Information Office (MPIO), hindi pa makapagbigay ng komento ang alkalde at bise alkalde sa inihaing kaso ni Lacuna dahil hindi pa nila natatanggap ang kopya nito.

Gayunman, nirerespeto aniya ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kagustuhan ng 844 sa 896 na mga opisyal ng barangay na nagsagawa ng botohan para sa paghahalal sa mga bagong opisyal ng Liga ng mga Barangay na nagmarka sa isang makasaysayang resulta.