Calendar

Yorme tiniyak lahat ng Manileno bibigyan ng pantay-pantay na karapatan
SABIK na ang mga Manilenyo sa nalalapit na pag-upo bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila ni Mayor Isko Moreno Domagoso bunga ng mga ipinangako niyang pagbabago ng pamamaraan ng pamamahala.
Bukod sa paglilinis sa mga lansangan at pagtutok sa kaayusan at katahimikan, isa pa sa mahalagang inaabangan ng mamamayan ang ibubulgar ng halal na alkalde hinggil sa tunay na kalagayan ng pondo ng lungsod pag-upo niya sa puwesto.
Nauna na kasing inihayag ni Yorme Isko na magiging tapat at transparent siya sa taumbayan kaugnay sa kalagayan ng pananalapi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.
Nauna rito’y inihayag ng transition team ni Domagoso ang mga natuklasang kuwestionableng report ng lokal na pamahalaan sa estado ng pananalapi kabilang ang pagsirit ng payroll ng job order (JO) employees na umabot sa P1.4 bilyong ngayong taon mula sa dating P400 milyon noong 2022.
Ikinabahala rin ng transition team ni Yorme Isko ang pagnipis ng reserbang salapi ng lokal na pamahalaan na mula P16.3 bilyon noong 2020 ay lumiit ito sa P7.3 bilyon ngayong Mayo, 2025.
Sinabi ni Yorme Isko na mahalaga na malaman ng mga Manileño kung ano ang tunay na kalagayan ng pondo ng lungsod pag-upo niya sa puwesto.
“I have to state that ‘pag nag-assume na tayo, kung ano’ng katatayuan ng salapi ng pamahalaan. From there, we move forward and face the challenges,” sabi ni Yorme, kasabay ng pagsasabing responsibilidad niyang ipaliwanag sa publiko ang sitwasyon upang sama-samang harapin ang mga hamon at makapag-plano nang maayos para sa kinabukasan ng Maynila.
Sa kabila ng mabigat na kakaharaping hamon, tiniyak naman ng mauupong alkalde na patuloy niyang pahahalagahan ang pagkilala, pagrespeto, at pagbibigay ng pantay-pantay na karapatan sa lahat ng Manileño
“Walang mayaman, mahirap, bakla, tomboy, lalaki, o babae—lahat ay pantay-pantay na mamamayan ng ating lungsod. Malaki ang respeto ko sa lahat, anuman ang estado sa buhay, kulay, paniniwala, o kasarian. Naniniwala ako na love begets love, respect begets respect,” pahayag ni Yorme.
“Dito sa Maynila, hindi lang kayo kinikilala—kayo ay parte ng pamamahala. Basta handa kayong maglingkod, bukas ang pinto ng serbisyo publiko para sa inyo,” dugtong pa niya.