Roque

Zamora ibinasura nakita ni Roque sa bolang kristal

41 Views

IBINASURA ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora ang nakita ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang bolang kristal na mayroon umanong nilulutong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang press conference, sinabi ni Zamora walang pinag-uusapang ganitong plano sa Kongreso kaya mali umano ang bolang kristal ni Roque, na hindi rin nakita na madadawit ito sa operasyon ng iligala na POGO.

“Wala pong kahit na anumang intentions na ma-impeach si VP Sara, as in wala,” sabi ni Zamora.

“Ngayon, bakit hindi niya nakita sa crystal ball niya na nakadawit pala siya sa POGO? ‘Yan ang itanong ninyo,” dagdag pa ni Zamora.

Sa kanya namang bolang kristal, nakikita umano ni Zamora na sama-samang magtatrabaho ang gobyerno at mga Pilipino.

“Ang nasa crystal ball ko po ay isang maayos na gobyerno na sabay-sabay na nagtatrabaho para matulungan ang sambayanang Pilipino. Kahit na may iba’t ibang paniniwala at opinyon, iisa pa rin ang layunin na matulungan ang ating mga kababayan,” saad ni Zamora.

Naiugnay si Roque sa iligal na operasyon ng POGO matapos na matukoy na siya ang may-ari ng ni-raid na bahay sa Tuba, Benguet kung saan nahuli ang dalawang Chinese nationals na iniuugnay sa iligal na POGO sa Bamban, Tarlac.

Sa pagdinig sa Senado, inamin ni Roque na mayroon itong interes sa korporayson na nagmamay-ari sa naturang bahay.

Nauna ng sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro Tengco na sinamahan ni Roque ang isang Cassandra Li Ong, kinatawan ng POGO Lucky South 99.