Batangas

₱3M nalikom para sa scholarship,  iba pang proyekto ng BPALFI

88 Views

KALAKIP ng pagbibigay inspirasyon at pagkakataong maipagpatuloy ang edukasyon ng mga kabataan, lalo na ang mga “out-of-school youth (OSY), pinangunahan ng Batangas Province Alay Lakad Founda&on Inc. (BPALFI) at Pamahaalang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, mga pribadong tanggapan at civic-society groups, ang Alay Lakad 2024 nitong ika-15 ng Nobyembre 2024.

Sa gabay ng temang “Alay Lakad para sa mga Kabataan ng Bagong Pilipinas,” nagkaisang lumakad ang mahigit 3,500 na mga kawani at kinatawan ng nasabing mga sektor mula sa tatlong starting points, kabilang ang Provincial Community Park sa Kumintang Ibaba, Lyceum of Batangas sa Barangay Gulod Labac, at Puregold sa Barangay Calicanto, patungong Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas, kung saan idinaos ang culminating program.

Sa kabuuan, nakalikom ang BPALFI ng mahigit ₱3 milyon mula sa lahat ng mga nakiisa at bukas-palad na nakibahagi sa taunang pagkakawanggawa.

Para sa pagbubukas ng programa, nagtanghal ang Batangas Province High School for Culture and Arts. Kasunod nito, inihatid ni PLtCol Angelito Gardian ang mensahe ni Batangas Provincial Police Office Director PCol Jacinto Malinao, ang tumatayaong Chairperson ng Walk Committee ng Alay Lakad.

Nagpaabot naman ng kanyang pagbati at pasasalamat ang tumatayong Presidente ng BPALFI na si Dr. Tirso A. Ronquillo, pangulo ng Batangas State University. Sinabi niyang bukod sa scholarship program para sa mga OSY, magbabahagi rin ang BPALFI ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Kristine.

Binigyang-diin naman ni Governor DoDo Mandanas ang kahalagahan ng pagsasagawa ng Alay Lakad para sa mga kabataan na nangangailangan at nagsusumikap makapagtapos ng pag-aaral para sa kanilang kinabukasan. Idinagdag rin niya ang kaniyang pasasalamat sa mga kaagapay at bumubuo ng programa.

Samantala, naging tampok na panauhin si Ginoong Leandro Leviste, ang CEO ng Solar Philippines, na nag-abot ng donasyon na nagkakahalaga ng ₱2 milyon. Aniya, ang Alay Lakad ay mahalaga dahil sumusuporta ito sa edukasyon at pangkabuhayan, na dalawa sa mga pangunahing aspeto sa buhay na kinakailangang bigyan ng karagdagang importansya.

Itinanghal muling Biggest Delegation Awardee ang Department of Education – Province of Batangas, na may pinakamalaki ring halaga ng donasyon na umabot sa mahigit ₱400,000. Nakuha rin nila ang Mutya ng Alay Lakad 2024, sa pamamagitan ng kanilang muse na si Binibining Trisha D. Bermejo na nagmula sa Bayan ng San Pascual.

Aktibo ring nakiisa sa mga kaganapan sina Vice Governor Mark Leviste; Atty. Angelica Chua-Mandanas; Sangguniang Panlalawigan 5th District Senior Board Member (BM) Claudette Ambida-Alday; ABC President BM Fernando Rocafort; 2nd District BM Arlene Magboo; 3rd District BM Alfredo Corona; 4th District BM Jesus De Veyra; AnaKalusugan Congressman Ray Reyes; former 2nd District Congressman Raneo Abu; Agoncillo Mayor Cinderella Reyes; Mataas na Kahoy Mayor Janet Ilagan at Vice Mayor Jay Ilagan, na nagbigay ng ₱300,000; at mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at national agencies dito.