Cong Romero

1-PACMAN Party List suportado ng mga “superstars” sa PBA kasama na ang mga Olympian

Mar Rodriguez Jan 25, 2025
29 Views

NAGPAHAYAG ng suporta ang mga sikat na manlalaro o “superstar” sa Philippine Basketball Association (PBA) kabilang na ang mga Olympian para sa 1-PACMAN Party List Group bunsod ng napakalaking tulong na naibibigay nito para sa mga Pilipinong Atleta.

Nagpaabot ng mensahe ang mga Atleta para kay 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., dahil sa napakalaking tulong nito para sa pagpapaunlad ng Philippine sports. Kaya ipinarating nila ang kanilang solidong suporta para sa nasabing Party List group na nagsusulong adbokasiya para sa mga Pinoy Athletes.

Ipinahayag naman ni Romero ang kaniyang taos-pusong pasasalamat para kina PBA superstars Earl Scottie Thompson ng Barangay Gine San Miguel, Jayson Castro ng TNT Tropang Giga at Filipino-Ivorian Olympian fencer na si Maxine Esteban dahil sa ipinangako nilang suporta para kay 1-PACMAN Party List nominee Milka Romero.

Ayon kay Thompson, ang Philippine sports ay nangangailangan ng napakalaking tulong hindi lamang sa larangan ng basketball bagkos sa lahat ng sports events. Kaya napakalaking kontribusyon ang naibibigay ng 1-PACMAN Party List para sa sports development.

Habang si Castro naman na isang beteranong manlalaro sa PBA ay isa sa mga sumuporta kay Romero bilang incumbent na Kinatawan ng 1-PACMAN Party List sa Kamara de Representantes.

Sinabi ni Castro na noong pa man ay sinusuportahan na nito ang 1-PACMAN Party List mula ng unang mangampanya si Romero sapagkat naniniwala aniya siya sa adbokasiya at ipinaglalaban ng nasabing Party List Group upang mai-angat ang kalagayan ng Philippine Sports.