Calendar

1 patay sa bully-han sa classroom
TODAS ang 14-anyos na dalagita nang pagsasaksakin ng kaklase sa loob ng classroom noong Miyerkules sa Paranaque City.
Patay na ng maidating sa ospital ng Paranaque ang Grade 8 na biktima na si alyas Rodelyn dahil sa apat na malalalim na kadyot sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nahuli ng mga pulis ang 15-anyos na suspek at nabawi sa kanya ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Sa report ni P/SMS Gerry Mislang kay Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, ala-1:00 ng hapon naganap ang krimen sa loob ng silid aralan ng Moonwalk National High School sa Daang Batang St., Brgy. Moonwalk, Paranaque habang naka-recess ang mga estudyante.
Ayon kay Mislang, matagal ng may alitan ang suspek at biktima na nag-ugat umano sa hindi pagpapahiram ng dalagita ng make-up sa suspek.
Isinumbong na rin ni Rodelyn sa kanyang ina ang pambu-bully sa kanya at iba pa niyang ka-klase ng suspek at pinayuhan ng ina na iparating ito sa teacher at guidance counsellor.
Hindi sinunod ng dalagita sa pangambang magka-rekord siya at makaapekto sa kanyang grades.
Bago naganap ang pananaksak, tinutukan muna ng suspek ang biktima kaya’t lumabas ang dalagita upang isumbong sa isang guro na nasa kabilang silid-aralan ang pangyayari.
Nang bumalik ang biktima, sinalubong na siya ng saksak ng suspek sa iba’t-ibang bahagi ng katawan sa harap mismo ng kanilang mga takot na takotna kaklase.
Nasa pangangalaga na ng Bahay Pag-asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek at sinabing siya umano ang binu-bully ng biktima kaya napatay niya ito.