Calendar

1 todas sa pagsabog sa Pasay
PATAY ang 50-anyos na lalaki dahil sa tatlong malalakas na pagsabog sa Pasay City noong Huwebes.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Joseph Arguelles, naganap ang pagsabog pasado alas-5:00 ng umaga sa may flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) malapit sa LRT depot sa kanto ng Andrews Avenue at BAC1-11.
Nang puntahan ng mga pulis at barangay tanod ang lugar ng dakong alas-7:15 ng umaga, nadiskubre ang lumulutang na bangkay ng lalaki sa hukay na na puno ng tubig, na kalaunan kinilala ni Jennifer Hispano na kanyang live-in partner na si alyas “Dante.”
Napansin din ng mga pulis ang mga tupok na kawad ng kuryente na posibleng dahilan ng pagkasawi ng biktima sanhi ng pagkakakuryente at pagkaputol ng supply ng kuryente sa lugar.
Sinabi sa pulisya ng Brgy, Tanod na si Roger ng Brgy. 190 na sinita ang biktima dakong ala-1:00 ng madaling araw nang mapansing may hawak na lagaring bakal at screwdriver kaya sinabihan nilang lisanin ang lugar.
May hinala ang pulisya na tinangkang putulin ng biktima ang mga live wires na nakita niya sa hinukay na proyektong pangkontrol sa baha.