Incentive Tuwang tuwa na nakatanggap ng P100,000 birthday incentive si Lola Lourdes de Guia, 100 anyos, residente ng Barangay Poblacion, Limay, Bataan. Kuha ni CHRISTIAN D. SUPNAD

100 anyos na lola binigyan ng P100K regalo ng Limay

Christian Supnad Feb 5, 2025
19 Views

LIMAY, Bataan -Tuwang-tuwa ang isang 100 taong gulang na lola matapos makatanggap ng P100,000 cash mula kay Mayor Richie Jason David bilang kanyang incentive sa inabot niyang edad.

Sa pamumuno ni Mayor Richie Jason D. David, ay ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng Limay, ang P100,000 birthday incentive kay Lola Lourdes Pangilinan de Guia, residente ng Barangay Poblacion.

Ayon kay Mayor David, ang insentibo ay ibinabahagi ng lokal na pamahalaan sa mga kwalipikadong senior citizens na nagdiriwang ng kanilang ika-isang daang taon.

Nauna rito, nagpasa ang bayan ng Limay ng lokal na “Resolution No. 2019-130, Resolution Granting Incentives and Special Privilege to Senior Citizens of the Municipality of Limay,Bataan who have reached one hundred years of age in the amount of One Hundred Thousand Pesos. ”

Bukod pa rito, ani Mayor David, may insentibong matatangap din mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) na Centenarian Cash Gift, alinsunod sa Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act.

Pinangunahan ni Konsehal Mel Fernando (Commitee Chairperson for Senior Citizens and Persons with Disabilities) kasama ang Vice Chairman na si Konsehal Bart Reyes ang paggawad ng lokal na insentibo, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Section (MSWDS) Head Faye Fernando, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) Head Jaime Apro, Office of the Municipal Treasurer representative, at Poblacion Municipal Federation of Senior Citizens Association (MUFESCA) President.

“Isang maligayang pagbati sa iyong ika-100 kaarawan, Lola Lourdes! Dalangin po namin ang inyong patuloy na kalakasan at kasaganaan,” ani Mayor David.