Martin

135,000 residente ng Tawi-Tawi benepisyaryo ng P700M tulong ng Serbisyo Fair

94 Views

MATAGUMPAY na nakapaghatid ng tulong ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., katuwang si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa may 135,000 residente ng Tawi-Tawi.

Umabot naman sa 95 kongresista ang nagpakita ng suporta sa programa at dumalo sa paglulungsad ng dalawang araw na BPSF na nagsimula noong Mayo 23.

Ang BPSF sa Tawi-Tawi ang kauna-unahang Serbisyo caravan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na siya namang ika-18 lugar na pinuntahan ng programa.

“Natutuwa kami at naabot ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang lalawigan ng Tawi-Tawi dito sa BARMM. Wala pong mahirap puntahan kung tayo ay nagkakaisa, maging Mindanao man ito o isla sa BARMM,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit na 300 kinatawan.

“Mahal po ng ating Pangulo ang Mindanao, kaya naman sunod-sunod ang pagpunta ng BPSF dito. Pang-pito na ito sa mga lugar na napuntahan natin sa Mindanao, at meron pa tayong nakalinya sa Davao del Norte sa mga susunod na araw,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Sina Gov. Yshmael I. Sali at Rep. Dimszar M. Sali ang nagsilbing local host ng event.

Umaabot naman sa 95 kinatawan ng Kamara de Representantes sa pangunguna nina Speaker Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang dumalo sa BPSF sa Tawi-Tawi upang ipakita ang kanilang pakiki-isa sa programa.

May 40 iba’t ibang ahensya ang sumali sa event dala ang kabuuang 199 serbisyo para sa 135,000 mga benepisyaryo. Sa P699 milyong halaga ng mga programa, P319 milyon ang cash assistance.

“Naramdaman ng mga mamamayan ng Tawi-Tawi ang kalinga ng pamahalaan. Malayo man ang inyong lalawigan sa sentro ng gobyerno, aabutin kayo ng ating Pangulo. No geographical divide can stop the government from serving its people,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Nasa 5,000 residente naman ng lalawigan ang nakatanggap ng cash-aid at bigas mula sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program na itinulak ni Speaker Romualdez upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya at mapigilan ang hoarding at nagmamanipula ng presyo ng bigas upang mas lumaki ang kanilang kikitain.

Ang paglulungsad ng CARD ay isinabay sa pagsisimula ng BPSF.

“Proud po tayo sa ating inisyatiba na layong magbigay tulong sa ating mga vulnerable sectors sa lipunan. Sinimulan po natin ito noong isang taon at simula noon, napakarami na po nating nabigyan ng ayuda sa ating mga kababayan,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Ginanap ang CARD Program payout the Henry V. Kong Gymnasium, Mindanao State University, kung saan pinangunahan ni Speaker Romualdez, na kilala na bilang si “Mr. Rice,” ang palatuntunan.

“Ang bigas po ay buhay, kaya naman naisip nating ipatupad ang CARD Program para magbigay ng bigas at konting tulong pinansyal sa ating mga mamamayan. Lalo na ngayong mataas ang presyo ng bigas at iba pang bilihin, layon ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos na maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Bukod sa tig-pitong kilo ng bigas, ang mga benepisyaryo ng CARD na kinabibilangan ng mga senior citizens, PWDs, single parents at IP’s ay nakatanggap din ng tig-P3,000 sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD.

“Kasama po ito sa mga programa ni Pangulong Marcos Jr. para labanan ang kagutuman. Kaya tuloy-tuloy lang ang ating distribusyon ng bigas at ayuda para sa ating mga kababayan,” ayon kay Speaker Romualdez.

Napuna naman ni Pangulong Marcos ang dami ng mga kongresista na pumunta sa Mindanao para ipakita ang kanilang suporta sa BPSF at pinuri ang mga ito.

“Atin pong ikinagagalak ang presensya ng 95 na miyembro ng Kamara de Representantes dito sa BARMM, sa Tawi-Tawi. Hindi biro ang paglalakbay natin dito ngayon, pero hindi ito inalintana ng ating mga kasamahan para masaksihan ang programa ni Pangulong Marcos Jr.,” saad pa ni Speaker Romualdez.

“At tunay naman na nakakaalis ng pagod ang makita natin ang ating mga kababayan na nagbebenepisyo sa mga programang ating pinopondohan sa Kongreso. Ang bawat numerong ating pinagdedebatehan sa Kamara ay may katumbas na pamilyang makikinabang sa ayudang ating aaprubahan,” dagdag pa ng lider ng Kamara.