Hormuz

14 tripulante na inatake vessel sa Strait of Hormuz nasa PH na

Jun I Legaspi Sep 9, 2026
165 Views

Hormuz1LIGTAS nang nakabalik sa bansa ang labing-apat na overseas Filipino workers (OFWs) na tripulante ng M/V SIDR matapos ang pag-atake sa kanilang Saudi-flagged vessel sa Strait of Hormuz na ikinasawi ng dalawa nilang kasamahan. Dumating sila sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City noong Setyembre 8, kung saan sinalubong sila ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Bilang bahagi ng UPLIFT initiative sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ng DMW at OWWA ang agarang tulong para sa mga tripulante, kabilang ang medical at psychosocial interventions at pagproseso ng kanilang mga benepisyo. Katuwang din sa pagtanggap sa kanila ang Bureau of Immigration, Manila International Airport Authority Medical Team, at New NAIA Infrastructure Corp. upang mapabilis ang arrival processing.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, tiniyak ng pamahalaan na maibibigay sa mga tripulante ang kinakailangang suporta habang unti-unti silang bumabalik sa kanilang pamilya at normal na pamumuhay.

“Tagubilin ng Pangulo na tiyaking maibigay namin ang buong suporta sa inyo. Ang mahalaga ngayon ay ligtas kayong nakauwi sa inyong mga pamilya. Makaaasa kayong maipagkakaloob sa inyo ang mga benepisyong nakalaan sa ilalim ng mga programa ng DMW at OWWA,” ani Secretary Cacdac.

Hinikayat naman ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan ang mga tripulante na huwag mag-atubiling lumapit sa DMW at OWWA kung mangangailangan sila ng karagdagang tulong, habang sinabi ni MGen Restituto F. Padilla Jr. (Ret.) na sasailalim sila sa medical at psychosocial assessment at bibigyan ng briefing tungkol sa kanilang mga benepisyo.

Naging posible ang ligtas na pag-uwi ng mga tripulante sa pagtutulungan ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Oman, ng kanilang shipowner, at ng pamahalaan ng Oman.

Ikaw ba ay isang OFW na humaharap sa distress o crisis situation? Alamin kung kwalipikado ka para sa AKSYON Fund. Bisitahin o makipag-ugnayan sa DMW Central Office o sa pinakamalapit na DMW Regional Office o Migrant Workers Office (MWO): https://dmw.gov.ph/contact-us.