Calendar
Medical missions tiniyak ng OFW Partylist
MATAPOS ang medical mission ng OFW Party List sa pangunguna ni ex-congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino, tiniyak ng lady solon na magkakasa pa sila ng mga ganitong proyekto sa pakikipagtulungan sa Chinese General Hospital.
Ipinahayag ng dating kongresista na marami pang nagre-request na doon naman sa kanilang lugar gawin ang naturang proyekto.
Pagsisikapan nilang mapagbigyan ang lahat ng ipinadalang request sa Tulong at Serbisyo Center (TSC) ng OFW Party List sa Ayala Mall, Manila Bay para sa mga kwalipikadong recipients.
“Ang daming nagre-request, kaya lang gustong-gusto natin makarating sa kanilang lugar ang mga ganitong medical mission. Gusto natin na makarating ang ganitong proyekto sa iba’t-ibang lugar basta kaya natin mahirap kasing mangako,” ayon kay Magsino.
Ang mga recipients na nakinabang ng kanilang medical mission sa Sampaloc, Manila ay mga kamag-anak at kapamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nauna rito, ikinasa ng OFW Party List ang medical mission katuwang ang Chinese General Hospital at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Layunin ng programa na mabigyan ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng libreng serbisyong medikal at makatulong sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangang pangkalusugan.
Sa pamamagitan ng naturang medical mission, mas naging accessible sa komunidad ang serbisyong pangkalusugan, partikular para sa mga kababayang nangangailangan ng agarang konsultasyon at iba pang tulong medikal.

