Calendar
Pag-deport sa mga seafarers gustong linawin ng DMW
NABABAHALA ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga ulat hinggil sa umano’y deportasyon ng humigit-kumulang 270 Pilipinong seafarers mula sa mga pantalan sa Estados Unidos.
Ang DMW ay nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang awtoridad sa US upang hingin ang paglilinaw sa mga pangyayaring ito.
Iginiit ng kagawaran na ang bawat Pilipinong marino ay may karapatang igalang ang due process at hindi dapat arbitraryong tanggalin sa trabaho o pinagkakaitan ng kabuhayan.
“Hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang mga ulat na ito. Ang ating mga marino ay hindi lamang manggagawa, sila rin ay haligi ng kabuhayan ng kanilang pamilya,” pahayag ng DMW.
Nakikipag-ugnayan ang DMW sa mga organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng mga marino gaya ng Save Our Seafarers, Pilipino Workers Center at Center for Migrant Advocacy upang makipagtulungan sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong marino at kanilang pamilya.
Nanawagan ang DMW sa pamahalaan ng Estados Unidos na tiyakin ang patas na proseso at makipag-ugnayan sa pamahalaan ng Pilipinas upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap.

