Calendar
15 panukalang batas isinulong ni Cong. Mujiv Hataman para maisa-ayos ang 15 kalsada sa Mindanao
NAIS ng isang kongresista na maisa-ayos ng national government ang mga kalsada sa kanilang lalawigan. Kaya isinulong nito ang labing-limang (15) panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong mai-convert bilang national road ang labing-limang kalsada sa Mindanao.
Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Congressman Mujiv Hataman na inihain nito ang labing-limang panukalang batas upang mai-convert o maging national road ang 15 provincial, municipal and City roads para sa pananatili ng maintenance nito sa ilalim ng national government.
Binigyang diin ni Hataman na napakahalaga ang pagsasa-ayos ng mga daan sa Mindanao na nagsisilbing ruta o daanan para sa pagbibiyahe ng mga produktong agrikultura kabilang na ang mga ani ng mga magsasaka at mangingisda patungo sa iba’t-ibang palengke sa Mindanao.
Gayunman, ipinabatid ni Hataman na kadalasan ay hindi namimintena (maintain) ng maayos ng lokal na pamahalaan ang mga nasabing kalsada bunsod ng kakulangan ng pondo para sa pagsasa-ayos ng mga ito.
“Napakahalaga ng pagsasa-ayos ng mga daan na ito dahil dito idinadaan ang mga produktong agrikultura at ang mga ani sa karagatan papunta sa aming mga palengke. Ito din ang mga daanan ng mga lokal at dayuhang turista patungo sa aming mga tanawin,” ayon kay Hataman.
Nakapaloob sa 15 panukalang batas na isinulong ni Hataman ang pagkakaroon ng tinatayang 189 kilometers “road conversion” na kinabibilangan ng 39.7-kilometer Aguada-Sumagdang Junction Tairan Road sa Isabela City, Junction Balagtasan-Tumakid-Junction Sengal at ang Junction Limook-Danit-Junction Badja Roads na parehong mayroong kahabaang 2.4 kilometers sa Lamitan City.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng suporta ang House Committee on Tourism sa panukalang batas ni Hataman. Matapos ipahayag Chairman ng Komite na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na nadidiskaril ang turismo sa Mindanao dahil sa mga depektibong kalsada sa lalawigan.
Ipinaliwanag ni Madrona na ang 15 kalsada na nais ipaa-ayos ni Hataman ang pumipigil sa mga lokal at dayuhang turista na nagnanais sanang bisitahin ang mga magagadandang tanawin sa Mindanao.
Dahil dito, binigyang diin pa ni Madrona na dahil sa kalsadang ito (15 roads) pinpigilan o sinasagkaan din umano nito ang pag-unlad ng ekonomiya ng Mindanao sa larangan ng turismo. Kung saan, muling iginiit ng kongresista na ang Philippine tourism ang nagsisilbing “economic driver” ng bansa.
Ayon kay Madrona, isang napakalaking potensiyal aniya ang larangan ng turismo sa bansa na maaaring magpa-angat sa ekonomiya ng iba’t-ibang lalawigan kabilang na ang Mindanao dahil sa napakagandang tourist attractions na mayroon ito. Kabilang na ang ipinagmamalaki nitong Malamawi Beach.