NBI Ang 17 mga dayuhan na natimbog ng NBI habang kinakausap ni Director Jaime Santiago sa NBI headquarters sa Quezon City.

17 dayuhan arestado sa cybercrime, isinalang sa inquest

Jon-jon Reyes Oct 15, 2024
102 Views

SINAMPAHAN na ng kasong kriminal noong Martes ang 17 dayuhan na naaresto noong Oktubre 11 ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa umano’y cyberscam hub sa Makati City.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, isinalang na sa inquest ang 17 dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 12010 o Anti–Financial Account Scamming and RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Kabilang sa mga kinasuhan ang 15 Chinese nationals, isang Malaysian at isang Taiwanese na naaresto sa Tejeros, Makati City.

Inaresto ang 17 dayuhan sa tulong ng warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 147.

Sa nasabing operasyon, sinabi ng NBI na nadiskubre ng mga operatiba na ilang live electronic devices tulad ng desktop computers, laptops at cell phones ang ginagamit sa illegal na online operations.

Natuklasan din ang controlled viewing at onsite forensic examination digital evidence, mga tool at aplikasyon para sa mga social engineering scheme, ilegal na pag-access, maling paggamit ng mga device, computer-related forgery at panloloko.

Naniniwala si Santiago na ang mga naaresto nagtatrabaho para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ayon kay NBI-CCD Chief Jeremy Lotoc bigo ang 17 dayuhan na magpakita ng kanilang pasaporte.

Samantala, binigyan ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng foreign workers ng POGO Hanggang ngayong Okt.15 na i-downgrade ang kanilang work visa sa tourist visas.