17 frontliners pararangalan sa Caloocan City

346 Views

MULING ipagbubunyi ang Frontliners Day sa lungsod ng Caloocan bilang pagkilala sa kabayanihan sa lahat ng essential workers na buong tapang na sinuong ang panganib ng pandemya magampanan lamang ang kanilang tungkulin para sa bayan.

Ngayong Lunes sa flag ceremony sa Caloocan City Hall ay nakatakdang parangalan ng ang mga natatanging frontliner para sa taong ito, kaugnay ng selebrasyon ng Frontliners’ Day sa lungsod.

Ito’y pangungunahan nina Mayor Oca Malapitan at iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan.

Pangalawang taon nang ipinagdiriwang tuwing March 15 ang Frontliners Day mula sa pinagtibay na ordinansang iniakda ni Sangguniang Kabataan Federation (SKF) president Councilor Vince Hernandez upang pasalamatan ang hindi matawarang serbisyo na ibinigay ng lahat ng frontliners ngayong pandemya.

Kauna-unahan ang lungsod ng Caloocan sa nagpatibay ng ordinansang Frontliners Day na isa rin sa isinusulong ngayong plano ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., upang ipagdiwang ito sa buong bansa.

Labingpitong frontliners na nagpamalas ng kanilang hindi matawarang serbisyo at sakripisyo ang bibigyang parangal ng Pamahalaang Lungsod. Ilan sa kanila ay doktor, pulis, bumbero, emergency responder, security guard, vaccination personnel, swabbing personnel, tricycle driver, at media practitioner.

Kasama sa bibigyang parangal ay si GMA7 reporter Mark Salazar na malaki ang naimbag sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon noong kasagsagan ng pandaigdigang epidemya.

Bibigyan-parangal din ang ilang samahan o organisasyon na nagpakita ng suporta sa Pamahalaang Lungsod sa gitna ng patuloy na laban sa pandemya.

“Napakalaki ng sakripisyo ng ating mga frontliner upang mapabuti ang ating sitwasyon sa laban kontra COVID-19. Taos-pusong pasasalamat sa kanilang hindi matatawarang serbisyo,” pahayag ni Mayor Oca Malapitan.

Samantala, ayon kay Councilor Vince Hernandez, ang pangunahing may-akda ng ordinansa at siya ring Pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng lungsod, ang Caloocan Frontliners’ Day na isinasagawa tuwing Marso 15 ay simbolo ng pagpupugay para sa kabayanihan ng mga frontliners.

“Gusto rin natin ipaabot ang ating pakikiramay, simpatya at pagsaludo sa pamilya naman ng mga frontliners na namatay sa gitna ng pandemya. Saludo po kami sa inyong lahat,” ani Hernandez.