Calendar

2 aso patay sa Marikina animal training facility
KINUNDINA ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang insidente ng pagkasawi ng dalawang alagang aso sa isang animal training facility sa Marikina City.
Ang insidente ay nabunyag makaraang humingi ng tulong sa social media ang mga fur parents na sina alyas Karla at Sandy dahil sa pagkamatay ng kanilang alaga sa loob ng training facility.
Ayon kay Karla, ini-enroll nila ang kanilang mga alaga sa training facility noong February habang noong March naman inenroll ni Sandy ang kanyang dalawang poodle.
Nais sana ng dalawang fur parents na matuto ang kanilang mga alaga ng potty train at kaunting tricks sa loob ng dalawang buwan.
Sa loob ng dalawang buwan ay pinapayagan lamang ang mga fur parents na bumisita isang beses isang linggo para makamusta ang kanilang mga alaga.
Anila, sa mga unang linggo ay binibigyan sila ng updates ng may-ari ng pasilidad subalit kinalaunan ay nahirapan na silang kumuha ng impormasyon hinggil sa lagay ng kanilang mga alaga.
Ayon kay Sandy, matapos ang dalawang linggo ay nalaman na lamang nila na inilipat sa Los Banos ang kanilang alaga.
Nagtaka anila ang mga fur parents dahil tila dini-delay ang schedule ng paglabas at pagtatapos ng training ng kanilang mga alaga hanggang sa sabihin na lamang sa kanila na patay na ang kanilang mga alagang aso.
Anila, personal na nagtungo sa kanila ang may-ari ng pasilidad at sinabing mayroong 12 aso ang namatay dahil sa heat stroke at kasama ang mga alaga ng mga ito.
Balak ng mga fur parents na magsampa ng kaukulang kaso laban sa may-ari ng facilidad.
Ayon naman kay PAWS executive Director Anna Cabrera, hindi kinakailangang iwan ng fur parents ang kanilang alaga sa mga training facility dahil mas mabuting kasama ang mga ito para malaman din nila kung paano ite-train ang kanilang mga alaga.
Bukod dito, sinabi rin ng PAWS na hindi rehistrado sa Bureau of Animal Industry ang pasilidad na maliwanag na paglabag sa Animal Welfare Act.
Kaugnay nito, hiniling ng PAWS sa Marikina City government na agad na isara ang pasilidad mailigtas ang buhay ng mga iba pang mga alagang aso na nasa loob nito.
“In view of all these, and to safeguard the lives of other dogs which may still be in the facility, we are requesting the immediate closure of the said facility…” laman ng sulat PAWS.