Santiago Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang dalawang naarestong Chinese national na sangkot sa human trafficking sa Taytay, Rizal. Kuha ni JONJON C. REYES

2 Chinese national nasakote dahil sa human trafficking

Jon-jon Reyes Oct 22, 2024
119 Views

ARESTADO ang dalawang Chinese national ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) sa Taytay, Rizal pero hindi nahuli ang big boss ng sindikato.

Kinilala ang suspek na sina Wang Kun at Liu Xiao Xiao ng Greenwoods Village, Taytay, Rizal.

Batay sa ulat ng Criminal Regional Investigation Division (CRID) ng NBI, noong October 7 nakumpirma na sangkot sa krimen ang dalawang dahil sa kasamahan nila na si Jinwen Yang na biktima ng Anti-Trafficking in Person.

Nahuli ang dalawa matapos makatanggap ng reklamo na lumabag ang Chinese na amo ng dalawa na si Ma Shang Lai sa mga batas ng Pilipinas.

Ayon sa nagrereklamo, nagpapatakbo ang kompanya ng dalawa ng online scamming sa Taytay, Rizal.

May iba pang empleyado ng call center, na pawang mga dayuhan, sa kinalalagyan ng biktima. Nakatira silang lahat sa residential building at hindi pinapayagang lumabas.

Tumanggi ang employer na ibalik ang pasaporte ng biktima kaya’t napigilan ang kanyang plano na tumakas sa lugar ng kanyang amo.

Dahil dito, nagsagawa ang NBI ng surveillance sa pinaghihinalaang lugar kung saan nanunungkulan si Lai.

Matapos matiyak ang sinasabing lokasyon dito na agad nagplano ang NBI na magsagawa ng rescue operation.

Noong Oct. 16 nagsagawa ang mga tauhan ng NBI ng operational procedures at nasagip ang biktima sa loob ng establisyimento sa Greenwoods Executive Village, Taytay, Rizal.

Sa kabuuan, apat na indibidwal ang nailigtas ng mga operatiba habang dalawang Chinese national ang naaresto.

Kalaunan dinala silang lahat sa opisina ng NBI para sa booking at identification procedures pero hindi nahuli si Lai.