Calendar

2 DQ petition vs Rose Lin inihain ng QC voters sa Comelec
DALAWANG magkahiwalay na petisyon para sa diskwalipikasyon ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) laban kay Rose Lin, isang kandidato sa pagkakongresista sa ikalimang distrito ng Quezon City, dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code.
Si Lin ay ipinapa-disqualify dahil sa mga aktibidad na umano’y ginawa niya noong Huwebes Santo—isang holiday kung saan ipinagbabawal ng Comelec ang pangangampanya.
Ang mga petisyon ay magkahiwalay na inihain nina Ligaya A. Sta. Ana at Karen Altar, kapwa residente at rehistradong botante sa Lungsod Quezon.
Ayon kay Sta. Ana, nilabag ni Lin ang Omnibus Election Code sa ilalim ng Seksyon 68 (e) kaugnay ng Seksyon 80 at Comelec Resolutions 10999 at 11086 nang mangampanya ito noong Abril 17, Huwebes Santo.
“These COMELEC Resolutions reflect clear legislative intent and a consistent, long-standing COMELEC policy to uphold the solemnity of Holy Week observances by prohibiting electoral campaigning on Maundy Thursday and Good Friday,” ayon sa nakasaad sa petisyon.
“This prohibition is not a novel or isolated policy; it is rooted in a long-standing COMELEC practice of upholding the solemnity of Holy Week during election season,” dagdag pa nito.
Gayunman, iginiit ng petisyoner na sa kabila ng malinaw na legal na pagbabawal, lantaran umanong nagsagawa si Lin ng pangangampanya noong Huwebes Santo.
“Rose Lin’s campaign erected a highly visible red tent just outside the Nova Plaza Mall in Quezon City on April 17, 2025. The tent prominently displayed Rose Lin’s campaign nickname and rose emblem,” ayon sa petisyon.
“Around and inside the tent, a number of her campaign workers identified as AKRHO members. They distributed free refreshments (iced water) to passersby (many of whom were local voters on a religious pilgrimage), while simultaneously soliciting votes for Rose Lin,” dagdag pa nito.
“They urged everyone who received water to remember the slogan, ‘Wag n’yong kalimutan sa eleksyon, ang Red ang Congresswoman’ associating ‘Red’ with Rose Lin’s candidacy for Congress.”
Sinabi ni Sta. Ana na maraming saksi ang personal na nakasaksi sa mga aktibidad ng kampo ni Lin noong Huwebes Santo.
Nanawagan ang mga petisyoner na i-diskwalipika si Lin bilang kandidato sa Kongreso ng ika-5 Distrito ng Lungsod Quezon at humiling sa Comelec na maglabas ng kautusan na kung si Lin ay ma-diskwalipika sa pamamagitan ng pinal at epektibong desisyon o resolusyon bago ang halalan, “any votes cast in her favor shall not be counted and shall be considered stray votes.”