Calendar
2 holdup suspect huli matapos tumangay ng cp
NATIKLO ng mga pulis ang umano’y dalawang holdaper ilang minuto matapos makatangay ng mamahaling cellular phone ng nabiktima nila noong Linggo sa Pasay City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang ang mga nadakip na sina alyas Jun-Jun, 23, at alyas Dexter, 19, na na-corner ng mga tauhan ni Pasay City Police Chief P/Col. Samuel Pabonita sa kanto ng Taft at Buendia Avenue, Pasay City.
Base sa imbestigasyon, bago mag-alas-2:50 ng madaling araw, humingi ng tulong sa mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station 2 si Alyas Gerry, 29, ng tutukan siya ng baril ng dalawang holdaper at kinuha ang kanyang iPhone na nagkakahalaga ng P20,000.
Nakuha ng pulisya ang deskripsiyon ng mga suspek, pati na kung saang lugar sila nagtungo pagtakas sakay ng itim na motorsiklong walang plaka.
Natunton ng mga pulis ang mga suspek na tumutugma sa ibinigay na deskripsiyon ng testigo na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Bagama’t hindi na nabawi ang celluar phone na tinangay, nakumpiska kay alyas Dexter ang isang kalibre .38 revolver, apat na bala habang isang kalibre .9mm ang nakuha kay alyas Jun-Jun pati ang motorsiklong ginamit sa panghoholdap.
Inihahanda na ang mga kasong robbery-holdup at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) laban sa dalawa.