Gumuho

2 patay, 3 sugatan sa gumuhong ikalawang palapag ng water refilling station

Edd Reyes May 30, 2025
31 Views

DALAWA ang patay, kabilang ang 63-anyos na foreman, habang tatlo ang sugatan nang gumuho ang ikalawang palapag ng nire-renovate na water refilling station Miyerkules ng hapon sa Pasay City.

Mahigit dalawang oras bago nakuha ang katawan ng mga biktimang sina alyas “Felicisimo” na 63-anyos na foreman at residente ng Paco, Manila, at mga construction worker na sina alyas “Epifanio” na 57-anyos, “Leonardo” na 55-anyos, “Melvin” na 28-anyos at “Richard” na 33-anyos sa ilalim ng gumuhong sinesementuhang ikalawang palapag ng water refilling station sa may Merville Access Road, Barangay 201, dakong alas-3:55 ng hapon sa naturang lungsod.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, patay na nang idating sa Pasay City General Hospital sina alyas Felicisimo at Epifanio, habang nakaratay at nagpapagaling pa si alyas Leonardo.

Isinugod naman sa Taguig-Pateros District Hospital sina alyas Melvin at Richard na kapuwa idineklarang nasa maayos ng kalagayan.

Lumabas sa imbestigasyon na gumamit lamang ng mga kahoy na pantukod sa halip na mga bakal na scaffoldings ang mga trabahador, kaya’t hindi kinaya ang bigat ng sinesementuhang ikalawang palapag na dahilan upang gumuho at madaganan ang mga biktima.

Hindi rin umano nag-apply ng building o repair permit ang may-ari ng water station na si alyas “Yolly,” bukod sa wala ring suot na wastong safety gear ang mga biktima na malinaw na paglabag sa health and safety standards.

Ayon sa pulisya, posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injury ang may-ari ng refilling station.