2 pulis, abogado patay sa engkwentro sa Tagaytay

Alfred Dalizon Sep 2, 2024
180 Views

DALAWANG police captain ang nasawi sa isang engkwentro sa grupo ng mga armadong kalalakihan na pinamumunuan ng isang abogado sa loob ng isang subdivision sa Tagaytay City, Cavite nitong Linggo.

Patuloy na iniimbestigahan ng Tagaytay City Police Station ang insidente, at inatasan ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco D. Marbil ang kanyang mga tauhan na tiyakin na mapanagot ang mga responsable sa pagkamatay ng dalawang junior officers.

Nagpahayag ng labis na kalungkutan ang chief police sa pagkamatay ng mga opisyal. “The entire police force mourns the tragic loss of our brave officers. We will ensure that those responsible are held accountable and that justice is served swiftly,” ani Marbil.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang barilan sa loob ng Prime Peak Subdivision sa Barangay Maitim 2nd Central, na nagresulta sa pagkamatay nina Captain Adrian Binalay ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Field Unit at Cpt. Tomas Batarao Jr. ng Regional Personnel Holding Accounting Section.

Ang dalawang opisyal, kasama ang isang sibilyan, ay nagpunta umano sa lugar upang magtanong tungkol sa isang property na balak nilang bilhin.

Gayunpaman, sa kabila ng babala ng security guard na si Ryan Santillan na huwag pumasok sa subdivision, hindi umano pinansin ng tatlo ang babala at tumuloy pa rin sila.

Makalipas ang ilang sandali, dumating ang isang lalaking kinilala lamang bilang ‘Attorney Santos’ sakay ng isang sasakyan na may plate no. NIJ 1370 at nakipag-away sa dalawang pulis bago pinaputukan ang mga ito habang nasa loob pa ng kanyang sasakyan.

Nagpaputok din pabalik ang dalawang pulis, ayon sa mga imbestigador. Namatay si Cpt. Binalay sa lugar, habang sina Cpt. Batarao at ang abogado ay binawian ng buhay pagdating sa ospital ayon sa attending physician.

Dalawang suspek, kabilang ang security guard, ang inaresto at nakakulong na matapos ang pamamaril. Sila ay mahaharap sa kasong double murder matapos umanong makisali sa abogado sa pamamaril sa mga pulis.

Narekober sa lugar ang isang automatic rifle na ginamit umano sa pamamaril sa dalawang pulis, kasama ang mga PNP-issued firearms ng mga napatay na opisyal.

Bumuo na ng isang special investigation team upang mangalap ng lahat ng kaukulang ebidensya at kunin ang pahayag ng mga saksi upang matukoy ang mga detalye at pangyayari sa insidente. Sa kasalukuyan, tinutukoy na ang land conflict bilang pangunahing motibo sa madugong pamamaril na ito.