Calendar
Ang FB post ng diumano’y biktima habang nagpapasalamat kay QCPD District Director PCol. Randy Glenn Silvio.
2 QC pulis hinarang, kinotongan delivery rider na PWD, agad sibak
AGAD na tinanggal sa puwesto ni Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang pulis na nag-viral sa pangongotong ng P3,000 sa isang people with disability (PWD) delivery rider ng Food Panda sa lungsod.
Ayon kay QCPD Acting Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, ang dalawang pulis na sinibak ay kinasuhan na rin ng robbery extortion.
Nabatid na ang dalawang pulis ay nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Masambong Police Station 3 ng QCPD.
Sa viral video, isang nagpakilalang Piolo Alonzo, delivery rider ng Food Panda ang nagsabing bandang 10:35 ng gabi, habang patungo siya sa palengke para bumili ng gamot ay bigla siyang hinarang ng mga pulis at sinabing checkpoint umano ito.
Matapos iparada ng biktima ang kaniyang motor ay dinala umano siya ng isang pulis na malaki ang katawan sa madilim na lugar saka kinapkapan at pilit na hinahanapan ng shabu.
Nang sabihin ng biktima na wala siyang itinatagong shabu ay hinalukay umano ng mga pulis ang bag nito saka kinuha ang P3,000 na kinita niya sa delivery.
“Di ko na alam gagawin ko, pagdating ko sa Muñoz tuliro na ako tapos pagsilip ko sa bag ko natira na lang P100 na buo at puro barya na lang po. Sana matulungan n’yo po ako natatakot po ako na baka maulit at taniman na nila ako ng drugs isa po akong PWD na naghahanap buhay ng maayos,”
“As of today, the involved personnel will be referred to the Prosecutors Office and reassigned to the District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) for verification to determine any possible involvement related to the complaint,” batay sa inilabas na pahayag ng QCPD.

