BI Source: BI

2 undesirable alien timbog ng BI sa NAIA

Jun I Legaspi Oct 14, 2024
79 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) na inaresto ng kanilang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang Chinese nationals dahil sa pagiging undesirable alien.

Ibinunyag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na naharang ang mga pasahero sa paliparan sa makaibang insidente habang palabas ng bansa.

“They were not allowed to board their flights after their names yielded positive derogatory hits in our records while our officers processed their documents in our departure counters,” saad ni Viado.

Idinagdag pa ng opisyal na inaresto ang dalawa at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig habang hinihintay ang kanilang deportasyon pabalik sa kanilang bansang pinagmulan.

Isa sa mga pasahero ay kinilalang si Shen Hao Dong, 26, na nahuli sa NAIA Terminal 1 nitong Setyembre 29 habang siya ay papasakay sana ng Philippine Airlines patungong Xiamen, China.

Batay sa mga rekord, ipinag-utos ng BI board of commissioners ang deportasyon ni Shen noong Nobyembre 21 ng nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien dahil sa kanya umanong pagkakasangkot sa prostitusyon, human trafficking, at labor exploitation.

Nauna rito, noong Setyembre 21, naharang ng BI-NAIA personnel sa NAIA Terminal 3 si Liu Huan, 33 taong gulang, na pinigilan sa pagsakay ng kanyang Air Asia flight patungong Bangkok, Thailand.

Ipinag-utos ang deportasyon ni Liu ng BI noong Mayo 25 ng nakaraang taon matapos hingin ng gobyerno ng Beijing ang kanyang kustodiya sa kanya kasama ang 15 iba pang Chinese nationals na pinaghahanap sa China dahil sa mga krimeng pang-ekonomiya.