Acidre PAGSALUBONG – Ang pinakamalaking batch ng mga Pilipinong umuwi sa bansa mula sa Lebanon ay sinalubong ni House committee on overseas workers affairs chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, kasama ang iba pang opsiyal ng gobyerno.

290 OFW na umuwi mula sa Lebanon sinalubong ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

79 Views

NAKIISA si House committee on overseas workers affairs chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa pagsalubong sa 290 Pilipino na umuwi mula sa Lebanon sa gitna ng kaguluhan doon, bilang pagpapakita sa suporta para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Sa 290 repatriates, 233 ang overseas Filipino workers (OFWs) na may kasamang 13 dependents, at 21 iba pang Pilipino na may kasama namang 23 dependents.

Ito ang pinakamalaking batch ng mga Pilipino na umuwi sa bansa mula sa Lebanon, matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino na naroon.

Ang mga Pilipino ay iniuwi sa bansa sakay ng chartered flight na kinuha ng Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Ankara.

“Our Overseas Filipino Workers are the backbone of many communities, and their safety remains a priority,” diin ni Acidre. “Tingog Partylist, alongside our partner agencies, is dedicated to providing the vital support needed to help our repatriated Filipinos and their families make a safe and smooth transition back home. I commend President Bongbong Marcos for his unwavering commitment to the welfare of our OFWs, which has been instrumental in facilitating this repatriation effort.”

Nakatanggap ang mga repatriate ng tulong upang agad silang makabalik sa kani-kanilang komunidad.

Ang bawat repatriate ay nakatanggap ng P75,000 mula sa AKSYON Fund ng DMW, P75,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at P20,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mayroon din silang libreng medical consultations, psychological support at access sa pangkabuhayan program sa tulong ng Department of Health (DOH), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya.

Bilang bahagi ng pangako ng Tingog Party-list na suportahan ang mga bagong bayani at kanilang mga pamilya, isang komprehensibong aid package ang inihanda para sa pagbangon ng mga nagbabalik na OFW.

Kasama rito ang tulong pinansyal sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), educational support sa ilalim ng Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED) at pangkabuhayan para sa pagsisimula ng maliit na negosyo.

Mula Oktubre 2023, nakapagpauwi na ang Pilipinas ng 903 na OFW at 47 na dependents mula Lebanon sa voluntary repatriation program ng pamahalaan.

Ang Migrant Workers Office (MWO) sa Beirut ay patuloy namang sinusuportahan ang 69 na Pilipinong nananatili sa shelters habang hinihintay ang kanilang pag-uwi.