Kidnap

3-anyos kinidnap ng yaya ng 2 taon, nasagip; suspek kulong

301 Views

NAILIGTAS ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 3-taong-gulang na bata at nadakip ang yaya nito na kumidnap sa kaniya matapos humingi ng ransom.

Sa report ng QCPD Masambong Police Station 2, bandang 8:05 ng gabi noong Linggo, Agosto 10, nang tangayin ng yaya ang bata na halos dalawang taon na niyang inaalagaan sa Aragon Street, Barangay Paltok.

Batay sa imbestigasyon, dumaing umano ng pananakit ng tiyan ang suspek at nagpaalam sa mga amo na kukuha lamang ng gamot sa kalapit-bahay at sinama nito ang bata, subalit hindi na bumalik pa ang yaya.

Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ng text message ang magulang ng biktima na nanghihingi ng P150,000 ang suspek kapalit ng kanilang anak.

Bandang 12:05 ng madaling araw nitong Lunes, Agosto 11, agad nagsagawa ng entrapment ang mga pulis at nailigtas ang bata sa yaya sa FPJ Avenue sa Quezon City.

Inihahanda na ang kaso laban sa suspek.